January 25, 2025

MGA DAYUHAN NA GUMAGAMIT NG PEKENG DOKUMENTO NAHARANG NG BI

PASAY CITY – Muling naglabas ng babala ang Bureau of Immigrations laban sa mga scammer na nag-aalok ng immigration services sa mga foreign national sa bansa.

Sa inilabas na kalatas ni BI Commissioner Norman Tansingco, iginiit nito ang nauna nang babala na inilabas ng ahensya hinggil sa nagkalat na scammers na nambibiktima ng mga dayuhan sa bansa na pinangangakuang maisasaayos ang papeles ng mga ito sa BI.

Ang abiso ng BI ay kasunod na dalawang magkahiwalay na insidente na hinarang ang ilang dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa BI main office sa Intramuros, Manila.

Nabatid na noong nakalipas na Oktubre 25 nang masabat ng BI airport personnel sa NAIA  Terminal 1 ang isang American citizen na nagpakita ng pekeng exit clearance para makalabas ng bansa.

Ang exit clearance ay kinakailangan ng bawat foreign nationals na nasa bansa sa loob ng mahigit sa 6-buwan gamit ang temporary visitors’ visa.

Sinasabing tinangkang lumabas ng bansa ang nasabing American national gamit ang pekeng papeles tulad na lamang ng maling pagkakasulat ng pangalan ni  Tansingco kung saan nang isailalim sa beripikasyon ng centralized database, natuklasan na walang clearance ang inilabas ng BI sa dayuhan.

Magugunita ring noong nakalipas na Oktubre 28, ibinasura ni Tansingco ang aplikasyon na Provisional Work Permit (PWP) sa 36 Indonesians na pinetisyon  ng dalawang Makati-based internet marketing and customer support service companies.

Sa pag-iimbestiga ng BI sa nasabing mga kumpanya, natuklasan na peke ang isinumiteng  Alien Employment Permits (AEP) ng mga dayuhan.

“We issue a warning to foreign nationals not to avail of illegal offers. We have around 60 offices nationwide, and are expanding to ensure that services are closer to the people.  There is really no excuse not to comply with immigration laws,” sabi ni Tansingco.