December 25, 2024

Mga “chillax” na magulang ng mga paslit sa kalye pagmumultahin ng P1,000

Kuha ni Arnold Pajaron Jr noong Aug. 25, 2019

PAGMUMULTAHIN ng P1,000 ang mga “chillax” na magulang ng mga batang pinapayagang maglaro sa labas ng kanilang bahay dahil sa kapabayaan at hindi pag-iingat sa panganib na dala ng COVID-19.

Ito ang babala ni Mayor Toby Tiangco to Navoteño sa mga magulang matapos na makakita ng mga larawan ng mga batang naglalaro sa mga kalye ng lungsod  sa social media sa post ng isang concerned citizen na animo walang takot na tamaan ng nasabing nakamamatay na sakit.

Dismayadongd-dismayado ang alkalde sa mga magulang na nagsimula na namang mag-“chillax” kasunod ng mga ulat ng Department of Health (DOH) at health experts na bumaba na ang COVID-19 infection sa lungsod.

 “Sa mga magulang, obligasyon po ninyong disiplinahin at alagaan ang inyong mga anak. Kayo po ang unang magtuturo sa kanila kung ano ang mabuti at hindi. Wag po silang hayaan na gumala dahil pag-uwi po nila, malaki ang tsansang may virus silang dala,” paalala ng alkalde sa mga magulang na Navoteño.

Ipinaliwanag ni Tiangco na bagama’t maging siya ay kontra sa pagpapataw ng multa sa mga pabayang magulang dahil sa lalong paghirap ng buhay sa kasalukuyan dala na rin ng pandemya, hindi dapat na balewalain ng mga magulang ang kanilang tungkulin na pangalagaan ang kanilang mga  anak.            

“Wag nating sayangin ang paghihirap at pagsasakripisyo natin nitong nakaraang anim na buwan. Marami ang nawalan ng buhay at trabaho at lubos na naghirap dahil sa COVID-19. Tumulong po tayo para matapos na ito,” pagwawakas ni Mayor Tiangco.