December 24, 2024

Mga bosing sa NAIA walang pakialam sa kanilang mga tauhan?

Sa loob ng limang buwan ng quarantine dahil sa COVID-19 mga Cabalen, naparalisa ang ekonomiya ng dati nang malamlam ang takbo nito.

Ang Pilipinas na dapa na ay lalo pang sumadsad dahil marami ang nagsarang kumpanya at walang kita. Marami ang nawalan ng trabaho sa ating mga kababayan.

Ang tanging kakapitan ng ating manggagawa ay ang kanilang mga bosing, amo at pinuno.

Napakaraming problema ang kinakaharap ng ating bansa. Kabi-kabila ang reklamo ang kumakalat. Marahil nga ay may ginagawa ng pamahalaan ang kanilang makakaya upang tugunan ang pangangailangan ng mamamayan lalo na ng mga dukha.

Nakatuon ang pansin ng pmahalaan sa mga frontliners pulis, militar, si kapitan de barangay, doktor, nurse na talagang karapat-dapat lamang.  Sila ang taga-ayos at gumagamot sa mga may sakit. Saludo po tayo sa kanila.

Pero tila may nakakaligtaan ang pamahalaan ang mga frontliners natin sa Ninoy Aquino International Airport mga Cabalen. Nariyan ang mga airport police, mga tauhan ng security and emergency services, ang mga housekeeping at maintenance  na nagpapantali ng kalinisan sa buong airport.

Alam ba ninyo mga Cabalen, na napakaraming reklamo ang ipinarating sa KAPAMU tungkol sa umano’y kapabayaan daw ng pamunuan sa mga frontliners natin sa NAIA. Ayon sa ating source, wala raw pakialam ang mga bosing sa ating paliparan kahit pa napakarami na raw ang nag-positibo sa COVID-19.

Sa ating airport police mahigit 10 na raw  ang nag-positibo na sa  COVID-19; may 9 sa Screeners and Surveillance Division; 3 sa AGM Security and Emergency; 4 sa Intelligence and Investigation Division; at sa isa sa Airport Security and Inspectorate Office. Ilan lamang iyan sa mga kaso na hindi nabibigyan ng pansin sapagkat hindi inilalabas ang balita.

Ang masaklap tila tengang-kawali ang pamunuan ng NAIA. Ayon sa reklamo ng mga empleyado nito, wala man lamang daw tulong na natatanggap ang mga empleyado kahit pa malaman na sila ay positibo sa COVID-19 at dapat na alagaan.

Kapag pinauwi wala na raw pakialam ang mga amo sa NAIA. Kung baga wala kahit anong ayuda mula sa mga bosing. Kahit konti daw na pag-aalala ay hindi kinakitaan ang mga amo dito.

Mga Cabalen, kung ganito ang mga bosing tiyak mauubos ang mga manggagawa sa ating bansa. Di ba’t ang amo natin ang una nating tinatakbuhan sa oras ng pangangailangan? Lalo na sa gobyerno, ang mga pinuno nito ang inaasahang kakikitaan ng malasakit at pag-aalala.

Sino na nga kaya ang tatakbuhan ng mga kaawa-awang manggagawa? Sino pa ba kung hindi ang pamahalaan.

Mga bosing bigyang pansin naman ninyo ang mg trabahante ninyo na umaasa sa inyong awa. Sana nga raw hindi hilaw ang inyong serbisyo publiko.

Nalaman din ng KAPAMU na may isang boss sa NAIA na hindi man lamang lumalabas ng kanyang opisina (baka takot sa COVID-19). Subalit napakahilig daw nitong magpatawag ng meeting mismo sa kanyang tanggapan? Kaya naman pala nagkaka hawa-hawa na. Naku po!

At alam ba ninyo mga Cabalen na muntik na daw kasuhan ng mga contractual employees sa NAIA dahil may ilang buwang hindi pinasweldo ng employment agency?

Ang mga pangyayaring ito mga Cabalen ay malaking bagay para sa ordinaryong empleyado. Kung minsan ay binabalewala ng mga boss dahil ang akala nila ito ay maliit na bagay lamang.

Mga Cabalen, kung kayo po ay may hinaing o may simpatiya na nais iparating sa KAPAMU o Agila ng Bayan, maaari po kayong mag-email sa [email protected]. Bukas po ang inyong lingkod at maaaring makinig. Hanggang sa muli.