January 23, 2025

27-K BILANGGO NA NAHATULAN SA KARUMAL-DUMAL NA KRIMEN, MAAGANG LALAYA (Dahil sa GCTA ruling ng SC)

AABOT sa 27,000 Person Deprived of Liberty (PDLs) na convicted sa heinous crime o karumal-dumal na krimen ang maaring maagang mapalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ruling ng Supreme Court.

Ang GCTA credits sa ilalim ng Republic Act No. 10592 ay ipinagkakaloob sa mga PDLs na nagpakita ng mabuting pag-uugali habang sila ay nakakulong upang mapababa ang kanilang sistensiya.

Kabilang sa heinous crimes sa bansa ay ang treason, murder, piracy, rape, plunder, carnapping, infanticide, destructive arson at kidnapping with serious illegal detention.

Noong Abril, idineklara ng SC na entitled rin ang mga PDL na convicted sa heinous crime sa GCTA  credits na magbibigay-daan para mapaaga ang kanilang paglaya.

Nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na, “Article 97 of the Revised Penal Code, as amended by R.A. No. 10592, is clear that any convicted prisoner is entitled to GCTA as long as the prisoner is in any penal institution, rehabilitation or detention center, or any other local jail.”


Ayon kay Bureau of Corrections Director General Pio Catapang Jr., “final and executory” na ang naging desisyon ng SC nang ibasura ng Kataas-taasang Hukuman ang motion for reconsideration na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG).

Sinabi pa nito, na 5,039 PDLs ang maagang mapalaya sa Disyembre dahil sa GTCA ruling.

 “Hopefully by the end of December this year makapagpalaya tayo kahit 5,000,” aniya.

Sinabi rin nito na natanggap na rin niya ang instructions ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kung sinong inmates ang ipaprayoridad.

“Priority natin yung mga PDL na matatanda na at tsaka sakitin,” aniya.

Pero, sinabihan din siya ni Remulla na tiyakin na huwag basta-basta magpalaya ng mga inmate na may multiple heinous crime offences.

Sinabi rin ni Catapang na ipinag-utos niya ang paglikha sa Technical Working Group (TWG) na tututok sa nirebisang Implementing Rules and Regulations (IRR).

Kapag natapos na revision sa IRR, sinabi nito na sisimulan na ng BuCor ang pagbilang sa GCTA credits para sa mga convicted sa heinous crimes at mga nakakulong.

Sinabi ni Catapang, na babalangkasin ng TWG ang IRR at isusumite ito sa Department of Justice para sa guidance.

 “We have to determine how to recompute the time allowance due the persons deprived of liberty (PDLs)  whether the computation will be based on the date of their detention or based on the date they are transferred in Bucor,” paliwanag ni Catapang.

“They have to be very careful also and make sure that what happened in the past where convicts are released  by allegedly tampering with their GCTA in exchange for money will not happened this time, dagdag ni Catapang.

Base sa datos, mayroong 27,311 persons deprived of liberty (PDLs) na nahatulan sa karumal-dumal na krimen na nasa iba’t ibang correction facilities ng BuCor sa buong bansa ang makikinabang sa GCTA ruling kung magpapakita sila ng kabutihang asal at nakapagsilbi ng higit sa kalahati ng kanilang sistensiya.