January 22, 2025

Mga bilanggo na may kasong droga ililipat Sablayan Prison sa Mindoro

IPAPADALA ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPFF) sa Mindoro ang mga person deprived of liberty (PDL) na hinatulan sa krimeng may kaugnayan sa droga, bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na harapin ang problema sa illegal drugs.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ito’y alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na paigtingin ang “bloodless drug war.”

“Our initiative, guided by Justice Secretary Crispin Remulla and aligned with the campaign of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla to cut off the supply chain of illegal drugs, will be focused, hardened, and robust,” aniya.

Itatalaga rin ang aabot sa 200 miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) sa SPFF.

Iniutos na rin ni Catapang sa correction officers na nakatalaga sa SPPF na magkaroon ng weekly rotations upang maiwasan na maging pamilyar sa mga inmates, habang ang lahat ng BuCor resources ay muling ilalagay upang ipatupad ang direktiba ng justice secretary.

Ayon kay Catapang, sinimulan ng kawanihan na ilipat ang mga high-profile inmates ng New Bilibid Prison (NBO) sa SPPF, noong nakaraang buwan pa ng Hulyo ng nakaraang taon.

Sa kasalukuyan, mayroon ng 246 high-profile na bilanggo na hinatulan dahil sa pagkakasangkot sa illegal na kalakaran ng droga sa SPPF, kabilang sa kanila ang 134 Chinese, pitong Hong Kongese, 20 Taiwanese, isang Canadian, dalawang Iranians, tatlong Koreans, isang Nigerian at 78 Pinoy.

Samantala, ibinigay ni Catapang sa inter-agency task force sa drug war ang isang detalyadong talaan ng 5,890 PDLs na hinatulan dahil sa kasong droga na nakakulong sa NBP, na layunin na makamit ang tumpak o eksaktong pagkilala sa mga indibidwal na aktibo pa rin sa illegal na kalarakaran ng droga upang mabigyan ng prayoridad ang paglipat sa SPPF.