December 24, 2024

MGA BANSOT P’WEDE NG MAGPULIS, BOMBERO, JAILGUARD

PASADO na sa Senado ngayong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang batas na naglalayong pababain ng dalawang inches ang minimum height requirement para sa mga nag-aasam na maging pulis, bombero at jail guard.

Batay sa Senate Bill no. 1563, pinababa height requirement sa 5’2 ang tangkad para sa lalaking aplikante at 5’0 naman sa babaeng aplikante ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Corrections.

Dati-rati, kinakailangang may tangkad ang aplikante na 5’4” kung lalaki at 5’2” naman kung babae.

Nakasaad din sa bagong aprubadong batas na ang mga aplikante para sa mga miyembro ng cultural minorities at indigenous people ay awtomatiko nang lusot sa height requirement.

Si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na dating Philippine National Police chief ang nagsulong ng panukala.

Bumoto ang 23 senador pabor sa panukalang batas. Tanging ang nakakulong na si Senator Leila de Lima ang hindi nakaboto.

Ayon kay Dela Rosa, layunin umano ng bill na mabigyan ng tyansa ang mga kabataang Filipino na mabigyan ng pagkakataon kahit mas mababa sila kaysa sa 5’4″ na dating kinakailangan.