January 22, 2025

Mga bangkay na hinukay, hindi pa rin maibalik sa kanilang pamilya… TEODORO SAKLOLO!

NAGPASAKLOLO ang ilang residente kay Marikina City Teodoro at sa City Health Office makaraang hukayin ang kanilang mga labi ng kanilang mahal sa buhay sa Barangka public cemetery.

Kahapon ay nagtungo sa Marikina City Hall ang nasabing mga residente upang ipaabot ang liham para mabawi nila ang labi ng kanilang kaanak at mahal sa buhay.

“Napakahirap po ng aming sitwasyon. Hindi po madali ang mawalan ng buhay. Pero nang malaman naming inalis nang basta-basta at iniligay sa sako ang mga labi nga yumaong kamag-anak at mahal sa buhay ay parang nadoble pa ang pasakit naming bitbit,” mababasa sa liham.

Ayon pa sa mga ito, paulit-ulit na silang humingi ng tulong sa lokal na pamahalaan ng Marikina, pero wala pa ring malinaw na aksyon at sagot.

“Pinagpasa-pasahan po kami at parang iniwan po kami sa ere. Habang tumatagal ay nag-aaalala po kaming hindi na maibalik sa amin ang mga labi ng mga mahal namin sa buhay,” dagdag pa ng mga ito.

Hanggang ngayon ay umaasa sila na mabigyan ng klaro at depinidong sagot kung kailan at saan nila makukuha ang mga buto ng kanilang mga mahal sa buhay.

Matatandaan sako-sakong mga buto ang bumalaga sa Barangka public cemetery sa Marikina City noong bisperas ng Undas na illegal na hinukay at itinambak lamang.