KAMAKAILAN lang ay hinagupit ng bagyong Kristine ang CALABARZON area. Binaha ang mga pangunahing kalsada at nagkaroon landslides. Maraming residente ang lumikas at may mga naitalang namatay.
Lumayas na ang Kristine pero may ibang klase ng “bagyo” ang patuloy na nananalasa sa Cavite, bumabaha ng pasugalan sa maraming lugar at naaapektuhan ang mga moralidad ng residente at komunidad na sinalanta nito.
Si bagyong Jun Toto ay isang halimbawa. Walang makadadaig sa kanyang impluwensiya sa pagkalat ng bookies sa Damarinas City.
Isa pa itong si Nitang Kabayo na bagyo daw sa mga pulis at munisipyo pero nagtatago sa saya ni alyas Bong Pineda na kilalang gambling lord sa Region 3.
Ayon pa sa espiya, matindi rin daw itong si Bagyong Ewang sa pagkakalat ng mga saklaan (Spanish card game) sa maraming barangay sa Dasmarinas City. Ewang ko sa’yo!
Itinatago niya ang kanyang mga saklaan sa mga lamayan para magmukhang libangan ng mga naglalamay at hindi papansinin ng mga awtoridad.
Ipinagyayabang nina alyas Jun Toto, Nitang Kabayo at Ewang na bata sila ng isang alyas Strike na sinasabi nilang malakas kay Sen. Bong Revilla at kay Gov. Athena Tolentino.
Paki-explain nga po mga ma’am at sir!
Si Tolentino ang humalili kay Jonvic Remulla matapos maitalaga bilang DILG Secretary.
.
Bagyong-bagyo raw ang mga ito, ayon sa aking mga espiya, sa gobernadora. Hanggang ngayon ay hindi mapatigil-tigil ang mga operasyon ng illegal na pasugalan sa nabanggit na lalawigan. Bakit kaya?
Kilala rin kaya ng naturang gobernadora itong isang tulis este pulis na si alyas Richard na nagpakilalang bagman ng CAVITE provincial police?
Nagkalat din ang saklaan nina alyas Jojie at Alma sa bayan ng Amadeo; alyas Eric Turok ng Noveleta; Hero at pekeng NBI agent na si alyas Elwyn sa Bacoor City at bayan ng Bailen.
Bukod sa mga bagyong ito, ‘tila nangangamote ang mga awtoridad; parang wala silang magawa upang sugpuin ang mga pergalaan o peryang may sugalan nina Tetet sa Brgy. Salawag, Damariñas City; kay Lodie naman ang sa Naic at kay Jessica na nagkalat sa iba’t ibang lalawigan.
Ayon sa mga “weather” forecasters na aking nakapanayam, kayang patigilin ng Cavite Provincial Police at ng gobernadora ang mga pasugalan kung talagang gusgustihin nila.
PCol. Eleuterio Ricardo Jr., may PAGASA po ba na hindi na tirhan ng mga bagyo ang lalawigan ng Cavite?
Weather-weather lang ‘yan!
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa [email protected].
More Stories
BUCOR AT PAO MAGTUTULUNGAN PARA SA INMATE WELFARE PROGRAM
PILIPINAS KATAWA-TAWA NA NGA BA SA MUNDO?
Matapos ang magkusunod na bagyo… PBBM TINIYAK NA KONTROLADO ANG SITWASYON