January 23, 2025

Mga bagong panuntunan upang mapabilis ang paglutas ng mga kaso, inilunsad ng SC

TINITIYAK ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na magiging mabilis na ang paglilitis sa mga kaso na idinudulog sa mga hukuman sa bansa.

Inihayag ito ng Punong Mahistado sa kalulunsad na amendment o bagong Rules of Civil Procedures at Revised Rules on Evidence.

Sa bagong rules of civil procedures, obligado na ang mga complainant na isama agad sa kanilang reklamo ang mga ebidensiya o judicial affidavits na dating sa trial proper pa nailalabas kaya tumatagal ang proseso.

Kung dati ay  nagkakaroon pa ng preliminary conference, sa  bagong Rules of Civil Procedure, diretso na agad sa pre-trial ang kaso kung saan papangalanan na ang mga testigo at agad na itatakda ang petsa ng kanilang presentation.

Maaari na ring makapagbaba agad ng desisyon ang husgado sa pre-trial pa lamang kung makakakita ang hukom ng sapat na basehan sa kaso.

Nakasaad rin sa bagong panuntunan na maaaring ipadala ang anumang pleadings o kahilingan sa pamamagitan ng electronic means o e-mail, registered mail at mga accredited courier ng korte.

Kumpiyanda ang Chief Justice na malaki ang idudulot na  benepisyo nito hindi lamang sa nagrereklamo kundi pati sa mga kinakasuhan at mga kagawad ng sangay ng hudikatura   lalo ngayong may panahon ng pandemya.