January 23, 2025

MGA AHENSIYA NG GOBYERNO BINULABOG NG BOMB THREATS (Pinaiimbestigahan sa NBI)

Nakikipag-ugnayan na ang National Bureau of Investigation o NBI sa Japan Police Attaché kaugnay sa kumalat na email bomb threats sa mga ahensiya ng pamahalaan na galing sa isang nagpakilalang Japanese  lawyer.

Bukod sa Japan Police Attache, nagsasagawa na rin ng kolaborasyon ang kawanihan sa iba pang law enforcement agencies at emergency responders para sa komprehensibong pag-aaral o evaluation patungkol sa banta ng pambobomba sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Ang hakbang ni NBI Director Medardo De Lemos ay tugon sa utos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla upang sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ay makabalangkas ng kaparaanan upang maresolba ang nasabing banta.

Nabatid na pangalan ni Takahiro Karasawa ay nadàwit na sa mga  bomb threats sa iba’t ibang bansa.

Nalaman din na  noong September 8, 2023, si Karasawa rin ang naglabas ng bomb threat na puntirya ang MRT-3 system.

Ayon sa NBI  nangangailangan ng maagap na tugon ang nakaaalarmang banta.

Kaugnay nito tiniyak ng DOJ at NBI sa publiko na seryosong pinagtutuunan ng pansin ng Kagawaran ang banta at sinísigurado rin na mapananagot sa batas ang mga nasa likod ng pagbabanta.

 Dinagdag din ni De Lemos na ang prayoridad ng kawanihan ay ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan.

Kasabay nito ang kahilingan at paalala sa publiko na maging mapagmatyag at ireport agad ang mga kahina-hinalang kilos at mga impormasyon.