LUMUBOG sa tubig-baha ang mga lansangan sa Metro Manila matapos humagupit ang tuloy-tuloy na buhos ng malakas na ulan na nagsimula Miyerkules ng madaling araw dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Carina.
Sa mga Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA), libo-libong pamilya ang inilikas patungo sa iba’t-ibang evacuation area, partikular sa mga pamilyang naninirahan malapit sa Tullahan River bunga ng pagtaas ng tubig sanhi ng walang tigil na buhos ng ulan.
Sa Navotas City, personal na binisita ni Mayor John Rey Tiangco ang mga inilikas na pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa Daanghari Elementary School at nanawagan sa mga residenteng nakatira sa mga tabing ilog, tabing dagat, at fish pond na lumikas na rin at magtungo sa mga inilaan sa kanilang evacuation center dahil sa inaasahang pagtaas pa ng tubig na dulot naman ng high tide.
Maraming pamilya na rin ang inilikas ng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) sa Brgy Tanza 1 at Tanza 2, pati na rin sa North Bay Boulevard North at South, sanhi ng patuloy na pagtaas ng tubig baha.
Ayon kay Mayor Tiangco, halos umabot na sa 2,000 ang pamilyang kanilang nailikas at dinala sa mga evacuation centers, pampublikong paaralan at barangay hall.
Sa Caloocan City, maraming pamilya na rin ang inilikas sa iba’t-ibang barangay bunga ng pagtaas ng tubig baha, kabilang ang kahabaan ng EDSA at Rizal Avenue Ext. sa South Caloocan habang naka-antabay naman ang mga Rescue Team sa area ng Dagat-Dagatan upang ilikas din ang pamilyang nalubog na sa tubig baha ang kanilang tirahan.
Sa Valenzuela City, iniutos na ni Mayor Wes Gatchalian ang pamamahagi ng pagkain at gamot sa daan-daang pamilyang nasa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod.
Ayon kay Mayor WES, umabot na sa mahigit 300 pamilya, pati na ang 6,422 na indibiduwal, ang naabutan na nila ng pangunahing tulong kabilang ang mga nasa Barangay hall ng Arkong Bato, San Diego Elementary School sa Arkong Bato, Rincon Elementary School, Bartolome Elementary School, Skyline Covered Court na parehong nasa Veinte Reales, Balubaran Eden Covered Court sa Malina, Bignay Northville Covered Court, A. Fernando Elem. School sa Malanday, Pasolo Elementary School at ilan pang mga pampublikong paaralan sa iba’t-ibang lugar.
Marami pa aniyang pamilya na nasa evacuation center at pampublikong paaralan ang kanilang aabutan ng tulong matapos lumikas sa kanilang tirahan habang patuloy aniya ang ginagawa nilang rescue operations sa mga pamilyang na-trap sa malalim na tubig-baha sa iba’t-ibang lugar sa lungsod.
Sa Malabon City, halos lahat ng lansangan, lalu na sa mga kalyeng malapit sa Tullahan River, at Tinajeros Bridge ay lumubog sa tubig baha at karamihan ay hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Iniutos na rin ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa CDRRMO ang paglilikas sa mga pamilyang naninirahan sa gilid ng ilog at sa mga umapaw na daluyan ng tubig at pansamantalang ipagamit ang mga pampublikong paaralan na malapit sa kanilang mga lugar, pati na ang mga ipinatayong Covered Court.
Maging ang buong puwersa ng Northern Police District (NPD) ay kumilos na rin upang tumulong sa nasasakupang mga lokal na pamahalaan sa pagsagip sa mga residenteng pinasok ng baha ang kanilang tirahan upang mailikas sa ligtas na lugar.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA