MULING inilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila at ilang kalapit-lalawigan sa modified enhanced community quarantine (MECQ) simula Agosto 4 hanggang 18, matapos umabot sa mahigit 100,000 ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa bansa.
Inaprubahan ni Duterte ang rekomendasyon ng kanyang Gabinete na ilagay sa mahigpit na lockdown ang ilang lugar bilang pagtugon sa panawagan ng medical frontliner ng “timeout” upang maiwasan ang pagbagsak ng healthcare system sa bansa sa gitna ng umiiral na krisis sa kalusugan.
Hindi bababa sa 80 medical association na kumakatawan sa libo-libong mga doktor ang pumirma sa isang liham na nanawagan sa pamahalaan na ilagay sa enhanced community quarantine ang Metro Manila.
Kaya inaprubahan ni Duterte ang rekomendasyon ng Gabinete na ilagay sa MECQ ang Metro Manila, gayundin ang lalawigan ng Laguna, Rizal, Cavite at Bulacan.
“I have heard the call of different groups from the medical community for a two-week enhanced community quarantine (ECQ) in Mega Manila. I fully understand why you, health workers, would like to ask for such a timeout. They have been in the frontlines for months and they are exhausted,” wika niya.
Umapela rin siya sa mga healthcare workers na ‘wag mawalan ng pag-asa at habaan ang pasensiya sa paglaban sa COVID-19. Nakikisimpatiya rin ang pangulo sa kanilang pagsisikap at pagod na kanilang ginugugol. “‘Wag kayo mawalan ng pag-asa, nakikita at kausap ko ang iba sainyo. Stretch your patience and your fervor. Tiwala kami sa inyong kakayahan,” dagdag pa niya.
More Stories
Christian Benedict Paulino, James Ang, unang ginto sa swimming, athletics
Elpidio R. Quirino, Guro to Pangulo
DOST 1 DIRECTOR CHAMPION SA GENDER SENSITIVITY AT MAINSTREAMING SA ISPSC