
Isang bagong hakbang patungo sa mas matatag na kinabukasan para sa enerhiya ng bansa ang binuo matapos lumagda sa kasunduan ang Meralco Power Academy (MPA) at ang Mindanao State University-General Santos (MSU-GenSan) para palawigin ang edukasyon, pagsasanay, at pananaliksik sa larangan ng enerhiya.
Pinangungunahan ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan, layon ng MPA ang paghahanda ng susunod na henerasyon ng mga energy experts sa pamamagitan ng partnership na ito. Nilagdaan kamakailan ang memorandum of agreement sa punong tanggapan ng Meralco sa Pasig City, na magbubukas ng mga oportunidad sa mga estudyante ng MSU-GenSan gaya ng specialized training, learning events, at industry immersion.
Kabilang sa mga proyektong nakalinya ang Mindanao leg ng Young Engineers and Scientists Summit, at ang pagbuo ng mga advanced academic programs sa larangan ng renewable energy at nuclear science.
Ayon kay MSU-GenSan Chancellor Shidik T. Abantas, ang kolaborasyong ito ay mahalaga para tiyaking tumutugma ang mga programang pang-akademiko sa pangangailangan ng industriya.
“Ito ay tulay sa pagitan ng akademya at industriya. Mahalaga ito para maiwasan ang skill mismatch at matiyak na ang aming mga graduates ay handa sa tunay na mundo ng trabaho,” ani Abantas.
Samantala, binigyang-diin naman ni Ronnie L. Aperocho, Meralco EVP, COO, at kasalukuyang presidente ng MPA, ang kahalagahan ng partnership na ito, lalo na sa mga larangan ng artificial intelligence (AI) at enerhiya.
“Ang ganitong kolaborasyon ay mahalaga sa layunin naming gawing sentro ng kahusayan ang Meralco Power Academy sa larangan ng AI at energy education. Malaki ang potensyal ng MSU-GenSan bilang katuwang sa layuning ito,” pahayag ni Aperocho.
Ang bagong kasunduan sa MSU-GenSan ay kasunod ng nauna nang matagumpay na partnership ng MPA sa MSU-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT).
Layon ng MPA na mapalawak pa ang network nito sa mga unibersidad sa Mindanao at mas mapalapit ang mga estudyante sa tunay na teknikal na kaalaman na kailangan sa lumalawak at nagbabagong enerhiya sector ng bansa.
More Stories
RR Pogoy, susi sa panalo ng TNT
Kagawad timbog sa panggugulpi at pamamaril sa Malabon
YouTuber Vitaly Zdorovetskiy nakapagpiyansa, ibinalik sa BI Holding Facility