
MAYNILA, PILIPINAS, 11 Hunyo 2025 –Sa ikalawang sunod na buwan, inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ang bawas-singil sa kuryente matapos magtala ng P0.1076 kada kWh na tapyas kaya nasa P12.1552 kada kWh ang kabuuang rate ngayong Hunyo para sa isang pangkaraniwang pamilya.
“Patuloy na mapapakinabangan ng aming mga customer ang mas mababang singil sa kuryente ngayong buwan na dulot ng mas mababang generation charge. Para sa mga tipikal na customer na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, katumbas ito ng P22 na bawas sa kanilang kabuuang bill,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Mas mababang generation charge
Ang mas mababang generation charge ang pangunahing sanhi ng kabuuang bawas-singil sa kuryente ngayong buwan. Bumaba ang generation charge ng P0.1099 kada kWh dahil sa mas mababang singil mula sa mga Power Supply Agreement (PSA), Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at mga Independent Power Producer (IPP).
Bumaba ang singil mula sa mga PSA ng P0.3699 kada kWh habang nagtala naman ng P0.1034 kada kWh na tapyas ang singil mula sa mga IPP bunsod ng mas mababang mga fuel cost at mas mataas na average dispatch.
Ang mga singil mula sa WESM naman ay bumaba ng P0.6342 per kWh bunsod ng mas mabuting sitwasyon ng suplay ng kuryente sa Luzon Grid. Bagama’t tumaas ng 527 MW ang average demand, bumaba naman ng 533 MW ang average capacity on outage.
Pinunan ng mga PSA, mga IPP, at WESM ang 48%, 33%, at 18% ng kabuuang kinakailangang supply ng kuryente ng Meralco.
Transmission at iba pang singil
Natabunan ng pagbaba ng generation charge ang pagtaas ng transmission charge ngayong buwan. Tumaas ng P0.0214 kada kWh ang transmission charge ngayong Hunyo dahil sa mas mataas na ancillary service charges mula sa mga Ancillary Service Procurement Agreement ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Reserve Market,
Nagtala rin ng pangkalahatang bawas na P0.0191 kada kWh ang iba pang singil kabilang na ang buwis.
Ang mga pass-through charge na generation at transmission ay ibinabayad ng Meralco sa mga power supplier at grid operator; habang ang buwis, universal charges, at ang FIT-All ay inire-remit naman sa gobyerno.
Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Patuloy rin nakikinabang ang mga customer sa pagpapatupad ng distribution-related true-up adjustment, na katumbas ng bawas na P0.2024 kada kWh para sa mga residential customer.
Meralco, hinikayat ang mga kwalipikadong customer na mag-apply sa lifeline rate program at senior citizen discount
Muling pinaalalahanan ng Meralco ang mga kwalipikadong customer na mag-apply sa mga available na subsidy program tulad ng Lifeline Rate program at/o senior citizen discount.
Maaaring mag-apply sa Lifeline Rate program ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino
Program (4Ps) at iba pang mga kabilang sa marginalized sector na mayroong katibayan mula sa kanilang lokal na Social Welfare and Development Office (SWDO). Sa ilalim ng programang ito, maaaring makatanggap ng diskwento sa bayarin sa kuryente ang mga kwalipikadong customer. Tanging mga may aprubadong aplikasyon lamang ang makakatanggap ng benepisyong ito.
Samantala, maaari rin mag-apply para sa senior citizen discount ang mga Pilipinong edad 60 pataas para makakuha ng 5% diskwento sa ilang bahagi ng kanilang Meralco bill basta hindi lalampas sa 100 kWh ang kanilang konsumo kada buwan.
Maaaring bumisita sa pinakamalapit na Meralco Business Center ang mga kwalipikado at interesadong customer upang mag-apply.
Paalala sa ligtas na paggamit ng kuryente
Kasabay ng pagsisimula ng tag-ulan, pinaalalahanan ng Meralco ang mga customer nito na ugaliin ang ligtas na paggamit ng kuryente lalo na kung mayroong mga pagbaha.
Narito ang ilang paalala:
- Patayin ang linya ng kuryente sa bahay o ang main circuit breaker kung mayroong pagbaha.
- Tiyakin na tuyo ang mga kamay bago humawak ng anumang pasilidad ng kuryente.
- Siguraduhing tuyo ang mga saksakan at iba pang linya ng kuryente.
- Kung hindi sigurado sa kondisyon ng mga pasilidad sa kuryente, ipasuri muna sa lisensyadong electrician ang mga saksakan at wiring sa bahay bago ito muling gamitin.
Para sa mga alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng
My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211. #
More Stories
SMB, Ginebra, at ROS Nag-aagawan ng Pwesto; Converge Nakapila na Lang
₱110-M Halaga ng Delikadong Baterya, Sinira ng DTI
Green Energy Auction-4: Bid Registration Sisimulan sa Hunyo 16