November 21, 2024

MERALCO ITINUMBA PHOENIX SA 3OT PARA MANATILING BUHAY

KINAILANGAN pa ng tatlong overtime ng Meralco bago naigapang sa 116-107 win laban sa Phoenix sa quarterfinals ng PBA Commissioner’s Cup sa Philsports Arena sa Pasig City, Miyerkules ng gabi.

Napakaraming bayani na rumesponde kay coach Luigi Trillo para mapuwersa ang OT.

“It’s just one game. Kahit ano’ng ginawa namin, Phoenix is a very resilient team,” suma ni Trillo sa postgame press conference. “You can see madami silang mga bata du’n na marunong, who play physical. You have (Ken) Tuffin, (Javee) Mocon, (Jason) Perkins, their import’s pretty good.”

Anim na Bolts ang umiskor ng 16 pataas sa pangunguna 20 points, 19 rebounds ni Cliff Hodge bago iniupo nang matapilok sa first extra period.

May 19 markers si Quinto, nakatatlong tres huli ang pandiin 37 seconds na lang sa third OT para sa 116-107 lead na naging final tally na.

Nabaon hanggang 15 ang Bolts higit 8 minutes pa sa laro pero unti-unting umahon, para idikit 82-81 sa basket ni Shonn Miller.

Pagkatapos ng dalawang free throws ni Tyler Tio, umatake si Aaron Black bago sinubuan si Chris Newsome. Pinakawalan ni Newsome ang malutong na tres sabay sa regulation buzzer para ibuhol sa 84-84 at makapuwersa ng OT.

Inagaw ng Meralco ang manibela 90-89 sa put back ni Cliff Hodge pero natapilok pagbagsak, namilipit habang sapu-sapo ang kanang paa, madaling nakakuha si Johnathan Williams ng basket para bawiin ang unahan 91-90.

Nagbuhol sa 95 pagkatapos ng first extra 5 minutes, itinabla ng tres ni Quinto sa 103 para hatakin ang pangatlong OT – unang triple overtime pagkatapos ng 2019 Governors Cup quarterfinals sudden-death ng No. 8 NorthPort at No. 1 NLEX na itinakbo ng Batang Pier 126-123.

Sumablay ang Phoenix ng dalawang free throws sa dulo ng regulation, dalawa sa first OT at dalawa din sa second tungo sa 29 of 43 overall sa stripe. Natalo sila ng siyam.

Tumapos ng 18 points, 20 rebounds si Miller, 18-8 kay Black at 18-7 si Allein Maliksi.

Kinubra ng Bolts ang first 10 points ng third OT bago nakasagot ang Fuel Masters, hindi na nakalapit. Nagsumite si Williams ng 24 points, 24 rebounds sa loob ng 62:22. Nasayang din ang tig-20 markers nina Tio at Jason Perkins na iniupo sa halos buong 15 minutes ng overtime. RON TOLENTINO