May 23, 2025

Menor de edad pisak matapos masagasaan ng dump truck ng sariling ama sa Pasig

PASIG CITY — Isang 15-anyos na binatilyo ang nasawi matapos masagasaan ng dump truck na minamaneho mismo ng kanyang ama sa loob ng demolisyon site ng lumang Pasig City Hall nitong Huwebes, Mayo 23.

Dakong 1:45 ng hapon nang mangyari ang trahedya.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, minamaneho ng ama ang isang itim na dump truck nang bigla niyang maramdaman ang parang “lubak” sa likurang bahagi ng sasakyan. Sa kanyang pagkabigla, bumaba siya upang silipin at laking gulat niya nang matuklasang ang sarili niyang anak ang kanyang nasagasaan—nakahandusay at duguan sa ilalim ng truck.

Ayon sa mga imbestigador, nakatulog ang bata sa ilalim ng truck at natakpan ng lona kaya hindi ito napansin ng ama bago pa paandarin ang sasakyan.

Agad humingi ng tulong ang ama sa kanyang mga kasamahan sa trabaho. Dumating ang mga tauhan ng Pasig City Police Station na sina PCpl Danga at Pat Sasotana, kasama ang Pasig Emergency Unit na pinamumunuan ni Dr. Bernard John San Marcos, na siya ring nagdeklara ng pagkamatay ng biktima alas-2:10 ng hapon.

Kinilala ang ama na si Richard Balangui, na agad inaresto at ipinaalam ang kanyang mga karapatan. Siya ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Ayon pa sa mga awtoridad, ang biktima, isang Grade 5 student mula Barangay Pinagbuhatan, ay diumano’y tumutulong sa ama sa pagbubuhat ng mga materyales sa lugar — isang malinaw na paglabag sa batas laban sa child labor.

Iniimbestigahan na rin ng mga otoridad ang posibleng pananagutan ng contractor sa site sa ilalim ng mga batas sa occupational safety at child protection.

Nagpahayag ng pakikiramay ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig at tiniyak na magsasagawa sila ng malawakang review sa mga safety protocol sa construction site.

“The Philippine National Police – Pasig City Police Station, in close coordination with the Pasig City Hall Construction Consortium (PCHCC), is currently conducting an investigation on the incident,” ayon sa pahayag ng city government