May 24, 2025

MENOR DE EDAD, ARESTADO SA P1.4M HALAGA NG SHABU SA PASIG

PASIG CITY — Isa na namang natatanging tagumpay laban sa iligal na droga ang naitala ng Eastern Police District (EPD) matapos maaresto ang isang 16-anyos na dalagita na umano’y Newly Identified High Value Individual sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City nitong Mayo 21, 2025.

Kinilala ang menor de edad sa alyas “Indang,” na nahuli sa aktong pagbebenta ng hinihinalang shabu sa mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit. Aabot sa P1,415,760 ang tinatayang halaga ng iligal na droga na nasamsam, kabilang na ang P1,000 na ginamit bilang marked money.

Ayon sa ulat ng pulisya, matagal nang minamanmanan si “Indang” bago isagawa ang operasyon. Apat na pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 208.2 gramo ang nasabat mula sa suspek.

Nagpahayag ng pagkabahala si PBGEN Aden T. Lagradante, Officer-in-Charge ng EPD, sa pagkakasangkot ng isang menor de edad sa ganitong uri ng krimen.

“Saludo ako sa ating mga kapulisan sa muling pagpapakita ng kanilang dedikasyon at kahusayan sa ginagampanang tungkulin. Nakakalungkot at nakakabahala ang mga ganitong kaso sapagkat menor de edad ang nahuhuling suspek,” ani Lagradante.
“Mas paiigtingin pa namin ang aming mga operasyon at estratehiya upang masugpo ang iligal na droga at maprotektahan ang ating kabataan mula sa kapahamakan.”

Sa ngayon, si “Indang” ay nasa kustodiya na ng Social Welfare Department ng Pasig City at patuloy na isinasailalim sa interbensyon. Kakaharap siya ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy ang pagtutok ng EPD sa mga lugar na potensyal na kinikilosan ng mga sindikato ng droga, sa layuning masigurong ligtas ang buong komunidad — lalo na ang kabataan.