December 25, 2024

Mekaniko isinelda sa walang lisensyang baril sa Malabon

BAGSAK sa kulungan ang isang mekaniko matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril nang salakayin ng pulisya ang kanyang bahay sa bisa ng search warrant sa Malabon City.


Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap ng impormasyon ang Police Sub-Station (SS7) na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril si alyas Jobet, 40, mekaniko, kaya nag-apply sila ng search warrant sa korte.


Nang makakuha sila ng kopya ng search warrant na inisyu ni Malabon City Regional Trail Court Vice-Executive Judge Misael M. Ladaga para sa paglabag sa RA 10591 ay agad bumuo ng team si SS7 Commander P/Major Johnny Baltan, kasama si P/Capt. Joseph Alcazar saka sinalakay ang bahay ng suspek dakong alas-11:58 ng tanghali.


Sa isinagawang paghalughog ng mga tauhan ni Major Baltan sa loob ng bahay ng suspek sa Pantihan II Alley, Naval St., Brgy. Flores, nasamsam nila ang isang kalibre .38 revolver na may tatlong bala at isang sling bag.


Nang walang maipakita ang suspek na kaukulang papeles hinggil sa ligaledad ng naturang armas ay binitbit siya ng pulisya para sa sampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act.