June 16, 2024

Mekaniko arestado sa mga nakaw na motorsiklo

ARESTADO ang isang mekaniko matapos makumpiska sa kanya ang tatlong nakaw na motorsiklo sa isinagawang Simultaneous Enhanced Managing Police Operation (SEMPO) ng mga pulis sa Caloocan city, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/ Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang naarestong suspek na si Neilmar Sinepete, 24 ng Phase 7-B, Block 1, Lot 18, Package 3, Brgy. 176, Bagong Silang.

Ayon kay NPD District Anti-Carnapping Unit (DACU) chief P/Maj. Jessie Misal, unang i-nireport sa kanila ng mga biktimang si Rose Marie Busa, 23 ng Phase 7-C, Brgy 176, at Jeno Ponce, 28, fast food crew ng Sto. Ñiño, Maligaya Street, Brgy. 177, kasama ang kanilang mga saksi ang pagkawala ng kanilang mga motorsiklo habang nakaparada sa labas ng kanilang bahay.

Nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng NPD-DACU sa Caloocan Police Sub-Station 9 at Sub-Station 13 at sa isinagawang imbestigasyon ay nakilala ang suspek kaya’t kaagad itong pinuntahan ng mga pulis sa kanyang bahay.

Pagdating sa naturang lugar, namataan ni Busa ang kanyang motorsiklo subalit nang mapansin ng suspek ang presensya ng mga operatiba ay agad itong tumakas papasok sa kanilang compound na naging dahilan upang magkaroon ng hot-pursuit operation hanggang sa makorner si Sinepete.

Narekober ng mga pulis ang tatlong nakaw na motorsiklo kabilang ang motorsiklo ni Busa at Ponce habang inaalam pa ang pagkakilanlan ng dalawang kasabwat umano ng suspek.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 (New Anti-Carnapping Law of 2016).