June 10, 2025

MBHTE napuna ang mga maanomalyang transaksyon

Maaring maharap sa imbestigasyon ang Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil umano sa mga maanomalyang transaksyon nito.

Isa na rito ay ang pagpapalabas ng P1.7 billion mula sa kaban ng BARMM sa loob lamang ng isang araw para sa Learner’s Kits at Teacher’s Kits noong Marso 7, 2025.

Ayon sa insiders sa MBHTE, may mga testigo na nagpahayag ng kanilang nalalaman sa mga kwestionableng pagpapalabas ng pera para sa ilang programa ng ministry.

Hindi umano dumaan ang transaksyon sa Finance Division Chief para sa rebyu at lagda ng hepe nito ayon sa standard procedures at bilang pagtugon na rin sa mga tuntunin at polisiya ng pamahalaan.

Ang MBHTE, na pinamumunuan ni Minister Mohagher Mohammad Iqbal, ay may pinakamalaking budget na P36 billion na halos one-third ng kabuuang budget ng rehiyon.

Matagal ng nahaharap sa isyu ng korapsyon ang MBHTE, lalo ng alegasyon na ibinebenta ang naturang Teacher’s Kits sa mismong mga guro.

Nakialam din diumano ang kaniyang pamangkin na si Apsi Abas, na kilala sa MBHTE sa bansag na “Boss A” sa pagpapahinto ng training program na nakalaan sa mga guro dahil lamang hindi napili ang gusto niyang hotels bilang venues noong 2022.Naningil diumano ang mga hotel na nabigyan ng kontrata dahil sa hindi natuloy na training at nagbantang magdedemanda sa MBHTE.