December 27, 2024

MAYROON PA RING KORAPSYON SA DPWH – PACC

Hindi pa rin tuluyang naaalis ang korapsyon sa loob ng Department of Public Works and Highways (DPWH) base sa mga isinagawang imbestigasyon kamakailan, ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) chairman Greco Belgica.

Ginawa ni Belgica ang naturang pahayag kasabay nang paglalagda sa isang online manifesto sa pagitan ng PACC at DPWH bilang bahagi ng kanilang “Tokhang Laban sa Korapsyon” program.

Base sa mga sinisiyasat aniya nilang mga reklamo, na drietsong testimonya galing sa mga contractors, barangay at local government officials, natukoy nilang hindi pa rin talaga tuluyang nasasawata ang problema sa korapsyon sa loob ng DPWH.

Kaya naman pinapaalalahanan ni Belgica ang mga opisyal ng DPWH hinggil sa “one strike policy” salig na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Mababatid na Disyembre noong nakaraang taon nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagsibak sa ilang district engineers ng DPWH na umano’y dawit sa korapsyon ng ilang mga kongresista.

May mga pinangalanan ding kongresista si Pangulong Duterte, subalit makailang ulit naman ding itinanggi ng mga mambabatas na ito ang alegasyon na ibinabato sa kanila.

Sa paglalagda ng manifesto, humingi ng tulong si Belgica sa mga opisyal ng DPWH na tulungan silang mahinto ang korapsyon sa kagawaran at sa buong gobyerno.