January 27, 2025

Mayor Rama hugas-kamay… DATING TWO TIME MVP NG DON BOSCO, PATAY SA HIT-AND-RUN NG CONVOY

Itinanggi ni Cebu City Mayor Michael Rama ang akusasyon na mayroon siyang kinalaman sa nangyaring hit-and-run incident sa kahabaan ng Queens Road malapit sa Redemporist Church na ikinasawi ng isang basketball player.

Kinilala ang biktima na si Jeslar Larumbe, dating two-time Most Valuable Player (MVP) ng Don Bosco Greywolf at two-time Champion ng Don Bosco Cebu Alumni Basketball League (DBCABL).

Unang napaulat na sakay ng motorsiklo ang biktima nang masagasaan ng isa sa mga escorts ng convoy.

Ayon sa saksi, may gamit na “VIP blinker” ang nasabing sasakyan.

Sa post sa Facebook page ng El Filibusterismo, idinawit nito ang pangalan ng naturang alkalde sa nangyaring hit-and-run incident.

Pero sa flag raising ceremony ngayong araw, sinabi ni Rama na wala raw siyang alam sa nasabing insidente dahil nasa Bohol raw siya nang mangyari ito.

Ayon pa kay Rama, mahaharap sa criminal charges ang taong kumaladkad sa kanyang pangalan sa insidente, na tinatrabaho na raw ng kanyang anak na si Mikel Rama.

“Do not stop to look for that person. File a case against them,” ayon kay Rama.

Hirit ni Rama sa kanyang anak na gumawa ng legal na aksyon.

 “Do not allow your father to be desecrated because he fights for what is the right of this country,” ayon kay Rama.