
CAINTA, RIZAL — Kumilos na si Mayor Kit Nieto upang tugunan ang matagal nang problemang baha sa bahagi ng Celso Tuason Avenue, partikular sa entrada ng Valley Golf, na tuwing malakas ang ulan ay agad lumulubog at nagiging sanhi ng matinding abala sa mga motorista.
Ayon kay Nieto, ang naturang kalsada ay tila naging imbakan ng tubig matapos iangat ang elevation ng Ortigas Avenue Extension, na dating pinoproblema rin dahil sa palagiang pagbaha.
“Parang embudo yung kanto — simula Ortigas hanggang Gate 1 ng Valley Golf, mabilis lumalim kapag umulan,” ani Nieto sa isang post sa social media.
Plano ng alkalde na itaas ang elevation ng Celso Tuason Avenue upang maiwasang gawing catch basin ang naturang bahagi. Gayunman, hindi ito basta magagawa ng lokal na pamahalaan dahil ang naturang kalsada ay pagmamay-ari pa rin ng pribadong kumpanya, ang Valley Golf Club Inc.
“Hindi ito pwedeng gastusan ng gobyerno hangga’t hindi naibibigay kahit ‘yung binabahang bahagi sa LGU,” paliwanag ni Nieto.
Nauna na ring sinubukan ng LGU na palalimin ang creek at maglagay ng strainer upang masala ang mga basura at pigilan ang pagbaha, ngunit hindi rin naging sapat ang mga ito.
Bilang tugon, dalawang pangunahing hakbang ang isinusulong ng alkalde:
- Paglalagay ng pump booster station sa kanto ng Celso Tuason upang itulak ang tubig patungo sa drainage ng Ortigas Avenue.
- Pagtaas ng elevation ng humigit-kumulang 200 metrong bahagi ng kalsada.
Ngunit para maisakatuparan ang mga ito, kinakailangan pa rin ang pormal na pahintulot mula sa Valley Golf Inc.
“Makikipag-ugnayan ako sa kanila sa darating na linggo. Sana mag-align ang universe para masimulan ko na ito,” ani Nieto.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na sa tulong ng pakikipagtulungan ng pribadong sektor, matuldukan na ang baha sa Celso Tuason Avenue na taon-taon nang suliranin ng mga residente at motorista sa lugar.
More Stories
4 TIMBOG SA ₱3.4M DROGA SA RODRIGUEZ, RIZAL
‘WALANG ATRASAN!’ — KAMARA DI BIBITAW SA IMPEACHMENT KAY VP SARA!
‘DI LANG TRAFFICKER, NANGSAGASA PA! INDIAN NATIONAL TIMBOG SA QC