November 19, 2024

MAYOR JOY PINASALAMATAN SI PPBM MATAPOS KILALANIN ANG QC BILANG EHEMPLONG SIYUDAD

Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa publiko na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang paghahanap ng paraan upang makapagbigay ng mura pero may kalidad na food at non-food items sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin.

Isinagawa ni Belmonte ang kanyang pangako matapos ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Kadiwa ng Pasko sa Quezon City Hall grounds.

Inilarawan din ni Pangulong Marcos ang Quezon City Government bilang isang modelong siyudad para sa programa ng national government.

Binanggit din ng Pangulo, ang best practices at mabis na pagtugon ng lokal na pamahalaan sa kamakailan lang na pagtaas ng presyo ng bilihin.

“We have to thank siyempre ang ating mga LGU dahil sila talaga ang nagtake ng initiative nito and again to Mayor Joy Belmonte who was one of the first to put up Kadiwa, mabilis siyang nagrespond agad nung nagtataasan na ang presyo,” ayon kay Pangulong Marcos.


Ang Quezon City ay kabilang sa 20 pilot areas ng Kadiwa ng Pasko Caravan ng administrasyong Marcos, na naglalayong magbigay ng merkado sa mga lokal na agriculture producers at bigyan ang publiko ng access sa abot-kaya at de-kalidad na mga produkto.

“Kaya ang Quezon City medyo model namin ‘yan eh, tinitingnan namin ‘yung ginagawa ninyo because you do it on a different scale than the others. Kaya kung kakayanin nung sistema ninyo, eh kakayanin ‘yun ng mas maliliit [LGUs]. Kaya we were looking and seeing ano ‘yung mga tinatawag ko na best practices ay tinitingnan namin para mas maging maganda,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Samantala, nagpasalamat si Mayor Belmonte dahil sa pagiging bahagi ng siyudad sa programa ng national government.

“Lubos kaming nagagalak dito sa Lungsod Quezon dahil isa ang QC sa mga piling lungsod na kabahagi ng programang Kadiwa ng Pasko na pinangungunahan ng ating minamahal na pangulo at ng DA. We will continue to regularly provide avenues for food producers to sell their goods directly to our QCitizens,” ayon sa alkalde.

Binanggit naman ng Pangulo, na magpapatuloy ang Kadiwa ng Pasko program hanggang sa susunod na taon. “Patuloy na nang patuloy ang Kadiwa para maging national program para lahat ng buong Pilipinas… makakatikim sila ng savings sa kanilang binibili kaya palagay ko ay magiging magandang pamasko ito. I hope it is the gift that keeps on giving, that is what we have been working towards,” ayon kay President Marcos.