
Determinado si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na linisin at muling buhayin ang mga lansangan ng Maynila matapos ang matagal na kapabayaan, habang nagpatupad rin siya ng curfew para sa mga menor de edad sa lungsod.
Sa ilalim ng Executive Order No. 2, mahigpit nang ipinagbabawal sa mga kabataang may edad 17 pababa ang paglagi sa mga pampublikong lugar mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.
Kasabay ng kautusan, personal na ininspeksyon ni Mayor Isko ang ilang pangunahing kalsada sa lungsod tulad ng Radial Road 10 (R-10), Welcome Rotonda, España Boulevard, at R. Papa Street sa Tondo, kasama ang mga opisyal ng barangay at mga tauhan ng Manila Police District (MPD).
Ayon kay Domagoso, ang mga lugar na ito ay matagal nang pinaliligiran ng mga informal settlers, street vendors, at mga kabataang lantad sa solvent abuse at kriminalidad.
Sa kanyang Facebook post, ipinakita ni Mayor Isko ang bago at malinis na itsura ng Divisoria, na noon ay kilala sa bundok ng basura, kalat na paninda, at dagsa ng sidecars at e-trikes.
“Patuloy ang pagpapaligo natin sa mga lansangan at hindi tayo titigil hanggang hindi nawawala ang kadugyutan,” ani Moreno.
“Good morning, Manila! Narito ang sitwasyon ng Recto Avenue, Divisoria ngayong umaga.”
Unang araw pa lang ng kanyang panunungkulan, sunod-sunod na ang isinagawang clearing at cleanup operations sa mga pangunahing lugar tulad ng Taft Avenue, Plaza Miranda, Delpan Evacuation Center, Lagusnilad Underpass, UN Avenue, at A. Bonifacio Avenue.
Ipinagmalaki rin ni Domagoso na wala nang basura sa mga kalye, makalipas ang ilang araw ng tambak ng basura sa lungsod.
“Ganyan namin iniwan yan eh, for three years. Consistency lang,” ani Isko, na muling binigyang-diin ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagkilos.
Sa gitna ng krisis sa basura, idineklara ni Moreno ang state of health emergency sa buong lungsod, matapos umatras sa operasyon ang dalawang garbage contractors — PhilEco at MetroWaste — dahil sa hindi pa bayad na serbisyo mula sa nakaraang administrasyon.
“We’ve been receiving a lot of complaints from the people of Manila. Kaya humihingi tayo ng deklarasyon ng health emergency,” aniya sa press conference.
Tinukoy rin ni Domagoso na may halos ₱950 milyon pang hindi nababayarang utang ng lungsod para sa garbage collection services, kabilang ang naunang contractor na Leonel Waste Management.
Tiniyak ni Mayor Isko na hindi siya titigil hangga’t muling maibalik ang kaayusan, kalinisan, at disiplina sa Lungsod ng Maynila.
More Stories
Construction worker na nanloob sa bahay ng birthday celebrant sa Antipolo, kalaboso
Mega Job Fair
Alas Pilipinas, di napigilan; dinomina ang Australia sa straight sets sa VTV Cup