November 23, 2024

Mayor Benjamin Magalong, dapat bang manatili bilang contact tracing Czar?

Magandang araw sa inyo mga Cabalen. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan.

Dahil sa nasangkutan paglabag ng kanyang mga nasasakupan sa health protocol, nagdesisyon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Ano ang desisyong ito? Ang magbitiw bilang COVID-19 contact tracing czar. May delikadesa si Magalong dahil nahiya siya sa nangyari.

Papaano ba naman kasi, nag viral sa social media ang isang video ng isang party. Kung saan kabilang ang ilang celebrities. Kasama na rito si Tim Yap at KC Concepcion.

Sa party, makikita sa video na masaya sila. Pero, walang social distancing at walang face mask at face shield. Kasama rin sa dumalo roon ang maybahay ni Mayor Magalong.

Bilang pagsunod sa sistema, pinagmulta nito ang kanyang misis at ilang sangkot sa pagtitipon.

Dahil dito, nabahiran ang imahe ni Magalong bilang czar. Kung kaya, nagpasya siya magbitiw na lamang. Ang punto niya rito, papaano mo mapapasunod ang ibang tao sa isang batas, kung mismong balwarte mo, hindi mo napasunod.

Gayunman, may sundot si Mayor Magalong. Na kung sasabihin ni Pangulong Duterte na manatili siya sa tungkulin, he will stay.

Pero, ayaw na niyang umabot sa Palasyo ang usapin. Marami na raw iniisip ang Pangulo.

Sa ganang akin mga Cabalen, humahanga tayo kay Mayor Magalong dahil hindi nito pinagtatakpan ang kamalian ang kanyang mga constituents.

Bagamat hindi naman nagkulang sa pagpapatupad ng alintuntunin, may isip ang mga tao. Gagawin at gagawin nito ang maibigan nila.

Para kina Presidential Spokesperson Harry Roque at National Action Plan against COVID-19 deputy chief implementer Secretary Vince Dizon, nais nilang manatili sa tungkulin si Magalong.

Hinuha nila, nais pa ng Pangulo na manatili rin bilang contact tracing czar ang alkalde ng Baguio City.

Ang punto natin ditto, nagampanan naman ni Mayor ng maayos ang tungkulin. Ngunit, hindi ito dapat dikdikin dahil sa isang pagkakamali na hindi niya naman ginusto.

Kayo mga Cabalen, dapat ba o hindi na manatili sa initatang sa kanyang tungkulin si Mayor Magalong?