December 24, 2024

MAYOR ALICE GUO SWAK SA TAX EVASION RAPS

SINAMPAHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ng tax evasion complaint.

Inihain ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang complaint sa Department of Justice (DOJ) ngayong araw. Kabilang rin sa kinasuhan sina Jack Uy, ang buyer ng share ng Baofu Land Development Incorporated ni Guo, at Rachelle Joan Malonzo Carreon, ang corporate secretary ng Baofu.

Nag-ugat ang ng BIR dahil sa paglipat ni Guo sa kanyang share kay Uy. Matapos ang imbestigasyon, nalaman ng BIR na noong nilipat ni Guo ang kanyang share, ay walang capital gain tax (CGT) at documentary stamp tax (DST) na binayaran kaugnay sa transaksyon.

Sinabi rin ni Lamagui na nabigo umano si Guo na bayaran ang P500,000 na buwis.

Sa ilalim ng tax rules, kailangan ng isang tao na bayaran ang capital gains tax kapag magbebenta ng stocks ng isang private o close corporation. Samantala, kailangan ng documentary stamp tax sa mga trasaksyon tulad ng agreement to sell, deliveries o paglipat ng shares, at iba pa.

Nahaharap ngayon ang tatlo sa kasong kriminal dahil sa paglabag sa section 254 ng National Internal Revenue Code (NIRC) (tangkang hindi pagbabayad ng buwis) at section 255 ng NIRC (hindi nakapag-file ng CGT at DST returns).

Samantala, nanaharap sa hiwalay na kaso si Carreon dahil sa paglabag sa section (250) (nabigong mag-file ng tamang information returns).

“While the parties to the transfer are Guo and Uy, Carreon, as the Corporate Secretary of Baofu Inc. will also face the same criminal case for tax evasion due to her deliberate failure to report the non-payment and non-filing of CGT and DST returns to the BIR. She even verified under oath the General Information Sheet reflecting the transfer even if no taxes were paid and no returns were filed,” saad ni Lumagui.

Dagdag pa rito, sinabi ni Lamagui na ina-audit na ng bureau ang business operations ni Guo, saubalit naghihintay pa rin ng ilang dokumento upang tapusin ang pag-audit nito.

Ito na ang ikalawang kaso na kinakaharap ni Guo matapos siyang unang kasuhan ng trafficking dahil sa pagkakasangkot nito sa sinalakay na Philippine offshore gaming operator (POGO) sa kanyang bayan. Hindi pa rin naaresto hanggang ngayon si Guo sa kabila ng arrest order ng Senado laban sa kanya dahil sa hindi nito pagdalo sa imbestigasyon ng upper chamber sa illegal na POGO.

Nitong Martes, sinibak na sa puwesto ng Ombudsman si Guo matapos mapatunayang guilty sa grave misconduct. Bukod dito, tinanggal na rin ang retirement be­nefits ni Guo at disqualified na rin ito para makaupo pa sa alinmang pwesto sa gobyerno.