KABILANG ang Maynila sa pinakamagastos na siyudad sa Southeast Asia, ayon sa pag-aaral ng data aggregator iPrice Group.
Mas malaki ang mga gastusin keysa sa sinasahod ng isang tao sa nasabing siyudad.
Ayon sa iPrice, P50,798 kada buwan ang kailangan ng isang tao na namumuhay sa kabisera ng Pilipinas para may ipambayad sa renta ng bahay, transportasyon at iba pang pangangailangan.
Sa kanilang pananaliksik, P18,900 (o mas mababa pa) ang katumbas ng buwanang suweldo sa metropolis.
Nangangahulugan na kailangan kumita ng isang tao sa Maynila ng higit sa dalawang beses ng kanilang buwanang sahod o mamuhay sa tabi-tabi para mabuhay.
Inestima ng research na ito ang gastos kada buwan para mamumuhay sa anim na malalaking siyudad sa Southeast Asia: Singapore, Bangkok, Maynila, Ho Chi Minh, Kuala Lumpur at Jakarta.
Pinakamahal mamuhay sa Singapore na may minimum P119,732 monthly budget. Pangalawa ang Thai capital na may P51,517, hindi nalalayo sa Maynila na may P50,798.
Unawain ang gastos sa pamumuhay
Iba-iba kasi ang presyo ng pagkain, renta sa bahay at transportasyon dito sa Maynila kung ihahambing sa mga siyudad sa ibang bansa.
Upang ilarawan ito, isipin natin ang presyo ng isang McDonald’s Big Mac meal sa Maynila.
‘Di ba’t maari ka nang makapagpa-deliver ng Big Mac meal sa halagang P202? Subalit kung ikaw ay nasa Singapore at kung ganito rin ang ipapa-deliver mo, ang presyo nito ay nasa S$8.65 o P315.
Ibigsabihin mas marami mabibili ang iyong pera sa Maynila keysa sa Singapore kaya’t mas murang manirahan sa Pilipinas.
Pero kung mas mura ang pagkain sa Maynila keysa sa Singapore, bakit kabilang ang kabisera ng Pilipinas sa pinakamahal na mamumuhay?
Ito’y dahil nga mas mataas ng 168% ang gastusin kung ihahambing sa sahod sa siyudad, ayon sa iPrice Group.
Epekto ng bedspacer
Kahit may sariling bahay, lumalabas sa pag-aaral na kailangan pa rin ng isang tao ng P28,800 kada buwan para mabuhay sa Maynila — malayo pa rin sa average income ng siyudad.
Ipinaliwanag pa ng iPrice Group na ang mataas na gastusin at mababang sahod ang pangunahing dahilan kung bakit tinatangkilik ang bed space rental sa Maynila keysa magrenta ng buong apartment.
Ayon sa iPrice Group ang presyo ng isang one-bedroom apartment sa sentro ng siyudad sa Maynila ay mas mataas ng 56% mas sa Kuala Lumpur, mas mataas ng 47% sa Jakarta, mas mataas ng 31% sa Ho Chi Minh kahit na ang tatlong siydad na ito ay “comparable economic states.”
Mas mababa rin ng 9% ang renta sa Bangkok kung ihahambing sa kabisera ng Pilipinas.
Pinoy naghahangad ng komportableng buhay
Ayon naman sa AmBisyon 2040 growth roadmap ng National Economic Development Authority, kailangan ng mga Filipino ng P120,000 kada buwan ng bawat isang pamilya na may apat na miyembro para “mabuhay nang komportable.”
Kasama dito ang P5,000 para sa maintenance ng sasakyan ng pamilya, P40,000 para sa pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, P30,000 para sa bahay, P10,000 para sa tuition, P10,000 sa libangan at P25,000 sa buwis, ayon sa NEDA.
Mantakin ninyo P500-P537 naglalaro ang minimum na sahod kada araw ng isang manggagawa sa Kamaynilaan. ‘Di hamak pang mas milya ang agwat sa sahod sa iba pang rehiyon!
Malayo ito sa katotohanan!
More Stories
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!
‘PASINGAW’ NG LPG NI ‘ERIC’ SA TIAONG, QUEZON WALANG SINASANTO AT WALANG KINAKATAKUTAN
LANDBANK INUPAKAN SA MALIIT NA PAUTANG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT P3.6-B UTANG NG MARIKINA