December 24, 2024

MAYNILA, NAGDAGDAG NG DALAWANG POLICE STATION

Pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang ‘activation’ ng Police Station 12 sa Delpan at Police Station 13 sa Baseco Compound na isinagawa sa Quirino Grandstand ngayong araw. Ayon sa alkalde ang dalawang karagdagang istasyon ng pulisya na sakop ng Manila Police District ay makatutulong upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa kanlurang bahagi ng siyudad sa gitna ng COVID-19 pandemic. (Kuha ni JHUNE MABANAG)

MAHIGPIT ang tagubilin ni Manila Mayor Isko Moreno sa dalawang naitalagang Station Commander na mangangasiwa sa bagong  tatag na MPD Station 12 at MPD Station 13 ngayong umaga na ginanap sa Quirino Grandstand, sa Maynila.

Itinalaga ni Moreno sina PLTCol. Evangeline B. Martos bilang Station Commander ng MPD Station 12 Delpan at PLTCol. Rolando P. Bumagat na Station Commander ng MPD Station 13 o Baseco sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Moreno ang pagdaragdag o activation  ng  dalawang police station ay upang makontrol at tuluyang maalis ang mga elementong kriminal na mula pa noong nakalipas na dalawampung taon ay nagpugad na sa Baseco at Delpan.

Binalaan na rin ng alkalde ang mga naninirahang kriminal sa mga nabanggit na lugar ay magbago na o kung hindi ay may ilang oras pa sila nalalabi upang lumisan sa lugar.

Ayon kay Police Col. Narciso Domingo, ang Deputy District Director for Administration ng MPD, sa pagkakaroon ng Delpan at Baseco police stations ay inaasahang mas magiging maayos at mapayapang komunidad ang dalawang lugar.

Aminado si Domingo na ang Delpan at Baseco ay  may  mataas na crime rate kumpara sa iba pang lugar sa Maynila.

Ang bawat istasyon ay magkakaroon ng tig-110 daan na police personnel at mga PCP.