January 24, 2025

Maynila, di gagaya sa Cebu; pagsusuot ng facemask, tuloy pa rin

Si Mayor Honey Lacuna na nakasuot ng face mask habang naglalakad kasama sina Vice Mayor Yul Servo at kanyang chief of staff Joshue Santiago. (JERRY S. TAN)

SA gitna ng kontrobersya kaugnay ng pagpayag ng Cebu City sa hindi pagsusuot ng face masks sa labas ng bahay at open spaces at sa pahayag ng takot ni Health officer-in-charge Secretary Rosario Vergeire na baka kopyahin ng ibang local government units ang ginawa ng Cebu, nanindigan naman ang Maynila na hindi ito tutulad at mananatili ang pagsusuot ng facemasks sa lungsod.

Naging maliwanag ang bagay na ito sa pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna sa regular flagraising ceremony sa Manila City Hall kamakailan, kung saan nanawagan ito sa mga residente ng lungsod na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health protocols, lalo na ang pagsusuot ng face masks.

“Maipaalala ko lamang po, lagi po tayong susunod sa lahat po ng panuntunan ng ating lungsod.  Ang mask mandate ay nandiyan pa rin,” pagbibigay diin ni Lacuna na isa ring doktor.

“Ber months na…pasilip-silip na si Jose Mari Chan, kinakantahan na po kayo.  Pero bago po tayo maging excited sa mga susunod na buwan lalo na sa paghahanda natin sa darating na Kapaskuhan, paalala lamang po…patuloy nating panatilihin ang minimum health protocols para na rin sa ating kaligtasan,” pahayag pa ng kauna-unahang lady mayor ng Maynila.

Idinagdag pa nito na: “Ang COVID ay nariyan pa rin sa ating paligid.  Bagamat mababa na po ang munero o bilang ng COVID cases sa atin pong lungsod, wala paring tatalo sa pagiging maagap.”

Ayon kay Lacuna, iginagalang niya ang desisyon ng Cebu, gayunman ang pamahalaang lungsod ay patuloy na susunod sa dikta at pagmamalasakit ng mga ahensya ng national government lalo na sa pagtugon sa pandemya.

Sinabi pa ng alkalde na kaya naririyan ang mga protocols dahil may kadahilanan at resulta ito ng  masusing pag-aaral ng mga health authorities at eksperto sa  pandemya.

Matatandaan na nilagdaan ni Cebu City Mayor Michael Rama noong August 31 ang Executive Order No. 5, kung saan ang pagsusuot ng face masks sa lungsod ay ginawang ‘non-obligatory’. Ang pagsusuot ng facemask ay nasa kanyang-kanyang sariling desisyon na lamang. 

Ayon naman kay Vergeire, masyado pang maaga para i-abandona ang pagsusuot ng face mask. Nagpahayag din ito ng pangamba na ang ibang LGU ay maaring gumaya sa Cebu. 

Umapela naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. sa ibang local government units (LGUs) na ipagpaliban muna ang planong pag-aalis sa ‘mandatory’ na  pagsusuot ng face mask sa kanilang mga lugar dahil dadalhin pa ang usapin sa  Inter-Agency Task Force na napaulat na pumayag na sa ginawa ng Cebu.