January 26, 2025

May simpatya, hindi basta “tsismosa,” kailangan sa contact tracers sa Valenzuela

INIHAYAG ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na kailangan ng emosyon at napakahalaga ng simpatya sa pagiging COVID-19 contact tracer at sa proseso ay pinatuyan ding hindi basta “tsismosa” ay pwede na.

Sinabi ng alkalde ang nasabing pahayag sa pakikipagpulong sa mga bagong contact tracers at encoders na sumailalim sa contact tracing and surveillance training.

“Itong trabaho na ‘to kelangan ng emosyon, para makuha ang tamang impormasyon mula sa mga patiente. Isipin niyo yung patient niyo ay kapamilya niyo. Kung paano niyo gusto tratuhin kung kayo yung patiente, ganon ninyo sila tratuhin,” ani Gatchalian.

Pinaiigting ng lungsod ang contact tracing nito at pinalaki ang City Epidemiology and Surveillance Unit sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mas maraming contact tracers at encoders para maserbisyuhan ang mga ulat na may kinalaman sa COVID-19 sa lahat ng araw ng linggo 24 oras.

Magugunitang ang lungsod ng Caloocan ang nauang nagpatotoo na hindi sapat ang pagiging “tsismosa” para maging contact tracer nang isailalim sa apat na araw na pagsasanay sa contact tracing ang mga 400 taong kinabibilangan ng psychologists at iba pa.

Gaya sa Valenzuela, tinuruan ang mga bagong contact tracers sa Caloocan kung paano ang tamang pakikipag-usap o pakikipanayam sa mga residente ng lungsod na nagpositibo sa COVID-19.

Kasama din sa mga sumailalim sa naturang pagsasanay ang mga encoders at boluntaryo mula sa iba’t ibang departamento; mga dentista at nars na nakatalaga sa health centers; at Barangay Health Emergency Response Team. Ang pangunahing gawain ng mga contact tracers ay hanapin ang mga close encounters ng COVID-19 patient at tuntunin ang kanilang aktibidad mula nang makaramdam ng sintomas o sumailalim sa swab testing.