December 24, 2024

MAY NAGTOTOTOO PA BA SA PULITIKA?

Sino ba sa atin ang naniniwala pa na may nagtotoo pa sa pulitika? Sa  mga sinasabi at dapat paniwalaan sa mga pinuno ng bansang ito, sa pangunguna ni Pangulong Duterte.

Sa kasagsagan ng pandemiya at kahirapan ng taong bayan heto po ang ating pangulo, idineklara ang sarili niya na tatakbo bilang bise presidente ng bansa. Hindi ba’t sisya mismo ang nagsabi na gusto na niyang magbitiw bilang pangulo dahil sa hirap na kanyang dinadanas sa pagpapatakbo ng bayan?

Sa tuwing haharap si Duterte sa taong bayan, nagsasabi na hirap na hirap na siya at gusto na niyang sumuko. Tama lang siguro na sa kanyang pagbaba bilang chief executive, dapat na siyang mamahinga. Ang kanyang edad at pagiging masasakitin ay senyales na hindi na din niya kakayanin ang ano mang mabigat na obligasyon.

Ang hirap sa mga pulitikong ito, mga Cabalen, naghihirap na nga tayong mga Pinoy mga sariling interes pa ang kanilang iniisip. Walang makain, walang trabaho, mag-aaklas ang mga healthcare workers sapagkat hindi ibinibigay ang benepisyong nararapat dahil sa pagkaganid ng DOH. Marami na ang namamatay wala pa ring maibigay na asiste ang gobyerno.

Ang salitang sakripisyo ay wala yata sa bokabularyo ng mga pulitiko. Ang pagsasakripisyo na dapat ay nasa isip at puso ng mga leader ng bansa. Ang mga pangakong laging napapako dahil ang nagbitiw ay mga TRAPO.

***

Hindi lamang sa national government nangyayari yan, mga Cabalen. May benggahan din maging sa local.

Kapag ikaw ay hindi kakampi kahit maganda ang iyong hangarin at kitang-kita ang iyong mga nagawa, sigurado wala kang makukuhang suporta mula sa iyong mayor.

Maging ang vice mayor kahit presiding officer pa, hindi ka niya ipagtatanggol sa mga kapwa mo konsehal na minamaltrato ka.

Ito ba ang para sa bayan, mga Cabalen?

Kaya naman ang ating bayan, nagkakahetot-hetot na.

Ang daming problema ng ating bansa, walang magawa ang mga nakaupo.

‘Di kaya dapat ay tigilan na muna ang personal na interes at magsilbi muna kayo, tutal ‘yan naman po ang inyong sumpaan. Siya ring dahil kung bakit kaya kayo hinalal upang magserbisyo sa bayan.

**

Ito na po yata ang pinakamahirap na situwasyon ng Pinoy. Hindi na alam kung saan susulong. Hindi rin alam kung saan hihingi ng tulong.

Sino nga ba ang nagsasabi ng totoo? Bakit ang mga tiwali kinakampihan pa ng Palasyo?

Bakit hindi nagtotoo sa mga salitang binibitawan?

Kawawa na ang mga Pilipino. Iginigisa sa sariling mantika.