November 3, 2024

MAY CONTINGENCY PLAN NA BA ANG GOBYERNO SA GITNA NG BANTA NG COVID-19 AT WET SEASON?

Talakayin natin ngayon mga Ka-Sampaguita ang mga posibleng bumangong suliranin ngayong wet season; o mga panahong madalas ang pag-uuulan at pagpasok ng mga bagyo sa ating bansa.

Siyempre, kapag madalas na nag-uuulan (kung masama ang panahon), hindi maiiwasan ang mga pagbaha. Kapag may baha, perwisyo ‘yan sa buhay nating mga Pilipino. Malaking hasel sa biyahe at ating mga gawain gaya ng paglalaba, pagpasok sa trabaho, pamimili at pagbibili. Nakaaapekto rin sa ating pagkilos gaya halimbawa kung papano ka dudumi o iihi kung baha sa palikuran?

Bukod dyan, nariyan din ang mud slide, landslide— na kadalasang nangyayari sa mga lalawigan, lalo na kapag may bagyo.

Batid natin mga Ka-Sampaguita na patuloy tayong humaharap sa banta ng Covid-19 pandemic at nabawasan na ang pondo ng ating pamahalaan dahil sa pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan.

Ang ating pinangangambahan ay ang mga kababayan nating maaapektuhan ng kalamidad. Siyempre, ilalagak sila sa mga evacuation centers. Siyempre pa, tabi-tabi ‘yan at hindi na maiiwasang ang hindi nila gawin ang social distancing; na may posibilidad na magpapalala sa kaso ng Covid-19.

Malaking suliranin ‘yan, mga Ka-Sampaguita kaya nararapat na mayroong ‘contingency plan’ ang bawat lokal na pamahalaan at mga barangay sa nakaambang na problema.

Ang tanong natin diyan, may pondo pa ba para sa pagbibigay ng relief goods, rescue and seach operations, mga gamot at iba pa?

Papaano kung said na dahil sa ilang serye ng ginawang pagbibigay ng ayuda sa bawat kabahayan sapol nang ipatupad ang lockdown? Naku, papaano na lang kung wala?

Saan ilalagak ang mga kababayan nating maaapektuhan ng kalamidad gaya ng mga kababayan nating nakatira sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig? May inihahanda na kaya ang kinauukulan na pasilidad o lunan para doon sila patuluyin?

Kaya, hindi dapat magpakuyakoy ang ating mga lingkod-bayan kahit unti-unti nang bumubuti ang lagay ng ibang pook sa paglaban sa Coronavirus. Ang siste, magiging double- time ang trabaho nila upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.

Isa pang nakaambang suliranin ang maaaring kaharapin ng ating mga lingkod-bayan, na kapag tag-ulan, marami ang nagkakasakit gaya ng trangkaso, ubo, sipon, lagnat at iba pa. Papaano kung iuugnay ito sa Covid-19? Mahirap yan.

Marami pang suliranin ang maaring bumangon ngayong wet season. Sana naman, may programa na at remedyo rito ang bawat lokal na pamahalaan, mga ahensiya ng gobyerno gaya ng NDRRMC, MMDA at iba pa upang mailatag ng maayos ang magiging pagkilos at pagpapatupad para sa kapakanan ng taumbayan. Adios Amorsekos.