November 5, 2024

MAY-ARI NA ILEGAL NA NAGRE-REFILL, NAGBEBENTA NG LPG ARESTADO

INARESTO ng mga tauhan ng Station Intelligence ng Valenzuela Police ang may-ari ng Marven Trading si Steven joe Gervacio Lucas, 25, matapos ireklamo ng Petron Corporation at Isla Petroleum dahil sa ilegal na pagre-refill at pagbebenta ng LPG. (RIC ROLDAN)

ARESTADO ang isang store owner sa isinagawang entrapment operation ng pulisya dahil sa illegal refilling, marketing at distribution ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang naarestong suspek na si Steven Joe Gervacio Lucas, 25, may-ari ng Marben Trading at residente ng Km 17, Mac Arthur Highway, Malanday.

Sa imbestigasyon, lumapit sa Valenzuela Police Station ang complainant/representative ng Petron Corporation at Isla Petroleum & Gas Corporation na si Celestino Molina Foronda, 51, brand protection agent upang humingi ng tulong hinggil sa illegal refilling, marketing at distribution ng kanila-kanilang produkto ng suspek.

Kaagad inatasan ni Col. Ortega ang mga operatiba ng Station Intelligence Branch (SIB) na magkasagawa ng entrapment operation kontra sa suspek sa kanyang tindahan sa Km 17, Mac Arthur Highway dakong alas-3:15 ng hapon.

Dalawang saksi na kinilalang si Joelito Villaseñor at Gilbert Soriano na umaktong poseur-buyer ang bumili sa suspek ng tig-isang 11 kilogram LPG Petron Gasul tank na nagkakahalaga ng P730.00 at Solane gas tank na nagkakahalaga ng P750.00.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked money, agad nagbigay ng signal ang dalawang saksi kaya’t kaagad na lumapit ang mga operatiba at nagpakilalang mga pulis saka inaresto si Lucas.

Narekober sa suspek ang marked money at ang ilang piraso ng LPG tanks na may mga pekeng gas seal na nakuha sa kanyang tindahan.