January 28, 2025

MAY ALAM KAYA SI KAP SA SINALAKAY NA MAKESHIFT SHABU LAB SA CAINTA?

Gaano kaya katotoo na pagmamay-ari ng isang kapitan ang apartment  na ginawang shabu lab na sinalakay  ng Philippine Drug Enforcement Unit at Cainta PNP sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal nitong Huwebes ng tanghali?

Ayon sa ating mga galamay, matatagpuan din sa sinalakay na apartment ni Kap na isang makeshift na laboratory ng ilegal na droga  ang kanyang warehouse ng mga construction materials para sa hardware ng naturang opisyal.  

Sa naturang operasyon ay nasamsam ng mga operatiba ang nasa mahigit kumulang na 2,000 tablet ng hinihinalang party drugs o ecstasy na nagkakahalaga ng P3.4 milyon, 10 maliit na pakete ng hinihinalang high grade marijuana o Kush, mahigit kumulang sa isang kilo ng white crystalline substance o ang hinihinalang methampethamine hydrochlorid o mas kilala bilang shabu, na may halagang P6.8 milyon.


Naaresto naman ang isang Khrystyn Almario Pimentel, 30, habang nakatakas naman ang kanyang kinakasama na si Jose Aguilar alyas “Ish,” isang Fil-American.

Ayon sa pulisya, nagpa-book ang magkasintahan sa Lalamove delivery para ipadala ang kanilang package sa isang hotel sa Maynila.

Sinuri ng delivery rider and bag na naglalaman ng package. Sari-saring biskwit at tinapay ang nasa ibabaw pero nang susuriin n’ya raw ang iba pang item sa ilalim ay hindi na pumayag si Jose at pinilit na siyang umalis.

Labis ang pagdududa ng rider kaya nang makakita siya ng pulis ay humingi siya ng tulong at nadiskubre nila na ang nasa ilalim ng bag ay hinihinalang shabu.

Kaya agad nagsagawa ang PDEA at Cainta PNP ng anti-illegal drug operation na nagresulta para madakip ang suspek at masabat ang milyon-milyong halaga ng  ilegal na droga.

Kilala ang naarestong suspek na gumagamit ng droga simula noong ito’y nag-aaral pa lamang sa San Pedro College Davao City.

Taong 2020 nang makilala niya si Aguilar sa isang social dating app na Tinder na nauwi sa pag-iibigan. Pinasya ng dalawa na magsama at tumira sa unit C 9029 Kabisig St., Blk 1, Floodway San Andres Cainta, Rizal.

Napag-alaman din natin na ito palang si Ish ay may dating kaso sa Amerika na may kaugnayan din sa droga, kaya’t ipina-deport siya rito sa Pilipinas.

Dito na sa ating bansa ipinagpapatuloy ni Ish ang pagsu-supply ng illegal na droga na nagmula sa mga dayuhan at kaibigan niyang Pinoy.

Nalaman din na itong si Ish ay kaanak ni dating US Army Jayson Ivler.

Ngayon ang tanong, alam kaya ni Kapitan na may bigtime supplier ng droga sa kanyang bakuran na nasa mismo pa niyang apartment? Kanya-kanyang gimik lang yan! Hehehe…

Naitanong tuloy ng ating mga galamay, kung saan nanggaling ang yaman ni Kap?

Mantakin ninyo, noong hindi pa ito nanungunkulan bilang kupitan este kapitan ay maski pamasahe sa tricycle ay walang-wala si Kap pero ngayon ang dami na niyang mamahaling sasakyan, may mga condo unit pa, paupahan,  may malalawak na lupain sa probinsiya at may hardware pa!

Ilan lamang ‘yan sa yaman ni Kap na ating nabanggit.

Kilala ninyo ba itong kupitan este kapitan na ito?! Itanong n’yo kay Tulfo. ‘Yun na!

Abangan…

Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text sa CP09460243433 o tumawag sa (02) 85630972. Maari rin kayong mag-email sa [email protected].