December 24, 2024

Matyagan ang presyo ng bilihin

MAY apat na buwan na rin pala magmula noong Pebrero ngayong taon, nang maramdaman ang epekto ng coronavirus sa negosyo at industriya ng Pilipinas gayundin sa iba pang bansa, lalo na sa China at Singapore.

Ang inflation – presyo ng merkado – sa Pilipinas ay bumaba sa 2.1 percent noong Mayo.

Habang noong nakaraang buwan naman ay bahagyang tumaas ang inflation rate sa 2.2 percent dahil nagbukas nang muli ang ekonomiya ng bansa. Ang bahagyang pagbilis sa inflation rate ay resulta ng mataas na gastos ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan ng mamamayan.

Kung ngayon ay bahagya pa lang ang pagbilis ng inflation rate, papaano na sa mga susunod na buwan? Napakahirap nito, kung magpapatuloy ang paghihigpit ng pamahalaan sa aktibidad ng ekonomiya at sa galaw ng tao, tiyak na magdurusa naman tayo  sa mataas na presyo ng bilihin at ng iba pa nating pangangailangan.

Naalala pa rin natin ang matinding sinapit natin noong 2018 – nang pumalo sa 4.5 percent ang inflation rate noong Mayo, hanggang tumaas sa 5.7 percent noong Hulyo, at umabot pa sa 6.7 percent noong Setyembre, bago bumaba noong Disyembre.

Sumipa ang  inflation sa 6.7 percent  dahil sa pagtaas ng food at non-alcoholic beverages index.

Pero ngayon taon, ay mahigpit na binabantayan ng mga ekonomista ang merkado at ang inflation rate na nanatiling mababa sa huling apat na buwan, dahil nga sarado ang maraming business activities at ang mga tao ay nasa loob lamang ng pamamahay upang hindi kumalat ang coronavirus.

 Dahan-dahan na ring lumuluwag ang ilang paghihigpit ng ating gobyerno, habang ang virus ay kontrolado na raw sabi ng ilang magagaling.

Gayunpaman, umaasa ang marami na makaka-graduate na tayo sa General Community Qurantine (GCQ) ngayong Hulyo 16. Na nangangahulugan na tapos na ang mga restriksyon at makabalik ang halos lahat ng aktibidad ng ekonomiya.

Sana’y  makabalik na sa normal ang lahat, pero huwag sa dating abnormal – na mataas ang inflation at ang presyo ng bilihin. Bumaba na ang rate natin sa 2.1 percent at maaring sumipa ito sa 2.3 percent dahil sa bahagyang pagbabalik ng aktibidad sa ekonomiya.

Titignan natin ang gobyerno kung papapaano nila mamatyagan ang presyo ng mga bilihin at iba pang pangangailangan sa mga darating na buwan. Ayaw na natin maulit pa ang nangyari noong 2018 nang pumalo sa 6.7 inflation rate sa 6.7 percent, sapagkat ayon mismo sa gobyerno, ilang lokal na mga negosyante ang nagsasamantala sa global oil prices para tumaas ang presyo sa merkado ngayon taon. Huwag ganu’n!