November 3, 2024

Matapos ibaba sa Alert Level 3 status MGA PULIS IKAKALAT SA METRO MANILA – ELEAZAR

NAGPALABAS ng utos si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar, sa lahat ng unit commanders sa Metro Manila na paigtingin pa ang police visibility sa mga matataong lugar ngayong ibinaba na sa alert level 3 ang COVID-19 sa National Capital Region.

Bilang tugon sa apela ng Department of Health (DOH) sa patuloy na pagpapatupad ng minimum public health safety protocol matapos magdagsaan ang mga tao sa simbahan, mall, pasyalan at iba pang mga lugar nitong weekend.

 “Based on the order of our SILG (Secretary of the Interior and Local Government) Eduardo Año, I have already directed our unit commanders in the National Capital Region to increase police presence in all possible areas of destination of our kababayan following the downgrading of alert level in Metro Manila,” ayon kay Eleazar.

Nababahala naman ang mga opisyal ng DOH at ilang health experts dahil sa anila’y pagiging kampante ng publiko sa kanilang paglabas ng tahanan para kunin ang pagkakataon dahil sa pagluluwag.

Sa ilang pasyalan at simbahan, nakitang hindi na nasunod ang protocols para sa kaligtasan na rin ng lahat sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ng mga marshal.

Dagdag pa ni Eleazar “Kasama sa aking kautusan ang coordination sa ating mga LGUs sa Metro Manila upang maayos na maipatupad ang minimum public health safety protocols at ibang pang mga restriction na ipapatupad sa NCR.”

“Natutuwa kami sa PNP na kahit paano ay bumabalik na sa normal ang sitwasyon sa ating bansa subalit hindi dapat maging dahilan ito para tayo ay maging kampante at balewalain ang health safety protocols dahil kung hindi, ang panandaliang kaligayahan na ating nararamdaman ngayon ay mauuwi na naman sa matagal na lockdown,” pagtatapos ni Eleazar.(KOI HIPOLITO)