NATAGPUAN nakasilid sa loob ng styro box ang pugot na ulo ng isang 37-anyos na Philippine Navy reservist na unang napaulat na dinukot ng mga armadong lalaki noong Huwebes ng hapon sa Navotas City.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, si Oliver Ignacio, ng Cabrera St. Brgy. San Roque, empleyado ng local government ng Navotas City at nakatalga sa Public Safety Management Office ay dinukot bandang alas-4:45 ng hapon sa harap ng Navotas City Impounding Area sa C-4 Road, Brgy. BBN ng armadong lalaki na nagpanggap na pulis.
Sa pahayag sa pulisya ng ka-trabaho ng biktima na si Edgardo Roxas, 49, nag-uusap sila sa harap ng Impounding Area nang isang itim na Mitsubishi Montero na walang plaka at dalawang motorsiklo ang pumarada malapit sa kanila.
Tatlong armadong lalaki ang bumaba sa sasakyan at isa mga ito ang nagsabi kay Roxas na may warrant of arrest kontra kay Ignacio bago sapilitang kinaladkad ang biktima papasok sa Montero saka humarurot patungong Manila area.
Alas-6 ng Biyernes ng umaga nang matagpuan ng isang tricycle driver ang isang styro box sa kanto ng Florentino Torres at Soler Streets sa Sta Cruz, Manila at nang buksan ay laking gulat nito nang makita ang pugot na ulo ng isang lalaki sa loob.
Nakikipag-ugnayan na Navotas police investigators sa Manila Police homicide investigators para sa posibleng pagkakilanlan ng mga suspek na sapilitang dumukot sa biktima habang inaalam pa ang motibo sa insidente.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA