December 24, 2024

Mass testing sa Metro susi sa pagbangon ng ekonomiya

IGINIIT ni Sen. Richard Gordon na ang pag-test sa 1.7 milyon residente sa Metro Manila bilang susi sa pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa pahayag ng senador, chairman at chief executive officer ng Philippine Red Cross (PRC), na ang pag-test sa 1.7 milyon residente na hindi lamang makababalik sa trabaho ang mga mangggawa, susulong din ang ekonomiya, kundi maiiwasan pang kumalat ang virus  sa labas ng metropolis.

“We can fix the problem if we really focus on testing the particular areas that need to be tested,” saad ni Gordon sa inagurasyon ng pinakamalaking PRC molecular laboratory sa Port Area, Manila noong Sabado.

Nabanggit din niya ang Laguna at Barangas, ang mga lugar na tahanan ng mga pabrika. “You want them to start, so test them so they can go to work,” saad niya.

“Pag na-test mo na sila (After you test them), they can go to work. Tatakbo ekonomiya natin (Our economy will run),” pagpapatuloy ni Gordon.

Pinaalalahanan din ng senador ang mga employers na magsagawa ng covid test sa kanilang mga trabahador upang tiyakin na sila ay pupuwedeng magtrabaho.

Sinabi rin niya na ang gobyerno ay hindi maaring “magpakailanman” magbigay ng pinansiyal na tulong sa mga manggagawa  na nawalan ng trabaho dahil sa pandemic.

Kamakailan, binuksan ng PRC sa dati nitong national headquarters, ang molecular laboratory na may 14 na RT -polymerase reaction chain machines at pitong automated ribonucleic acid extraction machines o Natch.

Magkaroon ang PRC ng 34 RT-PCR machines kapag nabuksan ang laboratory nito sa Batangas at Laguna bukod sa kasalukuyang pasilidad sa Maynila, Mandaluyong, Subic at Clark na maaaring makapag-test ng 34,000 kada araw.

“Magkakaroon tayo ng 22,000 test capacity dito sa Manila pa lang. Dapat bumilis lahat ng tetestingin natin dahil sobra ang capacity. Pero ang pumapasok right now umaabot lang ng 2,000 to 3,000. Dapat lahat ng mayor, lahat ng mga taong gustong magpa-test, magpa-test dahil doon lang tayo makakapagtrabaho. If we have all these apparatus going in Subic, Clark, Batangas and Laguna, we can finish Manila in 50 days. Then we can quell the virus right away,” giit ni Gordon.