Sa darating na July 27, na ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi na umano importante para sa ating mga kababayan kung saan man gagawin ang SONA ng Pangulo basta’t ang mahalaga ay marinig ang malinaw na plano ng pamahalaan para sa ating bansa kaugnay nga rito sa perwisyong dulot ng COVID-19.
May mga nanawagan na bigyang pansin ang pagkakaroon ng mass testing lalo na’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng virus sa bansa at ang epekto nito sa kabuhayan ng mga Filipino.
Nawa ay makita ng pamahalaan ang kahalagahan ng matagal nang panawagan ng mamamayan para sa mass testing upang epektibo na matugunan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit sa bansa.
Mahalagang matiyak ng Pangulong Duterte sa publiko ang malinaw na plano ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 lalo na ang mass testing.
Katwiran ng ibang mahihirap nating kababayan na napakamahal daw ngayon magpa-rapid test na nasa P1,500 – P1,800, habang magpa-swab test ka ay nasa P6,500 – 8,500, kaya sana anila ay magkaroon ng mass testing na libre at accessible.
Bukod pa riyan marami ngayon ang walang trabaho kaya’t mahalaga na maihayag ng Pangulo ang plano ng pamahalaan para sa mamamayang nawalan ng hanapbuhay at mapagkakakitaan dulot ng pandemya.
Dapat ding matugunan ang usapin ng unemployment sa bansa na matagal ng problema ng maraming Filipino.
Kung noon kasing wala pang COVID-19 sa bansa ay problema na ang kawalan ng trabaho sa bansa, papaano pa ngayon pang may krisis tayong kinakaharap.
Hunyo nang lumabas ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot na sa 7.3 milyong Filipino ang nawalan ng trabaho at noong Abril ay naitala ang pagtaas ng 5.3 porsiyento mula sa tala noon lamang Enero ng taong kasalukuyan, nangangahulugan ito ng karagdagang 5 milyong indibidwal na walang trabaho.
Kaya sa ika-27 ng Hulyo sa 5th SONA ng Pangulong Duterte nais marinig ng ating mga kababayan kung anong klarong plano ng ating pamahalaan para tugunan ang COVID-19 pandemic at kung paapano bibigyan ng solusyon ang kawalan ng trabaho sa bansa.
More Stories
ANG KANLURANG DAGAT NG PILIPINAS
Ang Disyembre ay Buwan ni Rizal
Elpidio R. Quirino, Guro to Pangulo