November 18, 2024

MAS MARAMING TRABAHO PARA SA PWDs ALOK NG QC GOV’T

Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang programa para makapabigay ng trabaho sa mas maraming person with disabilities (PWDs).

Sa ilalim ng “Kasama Ka sa Kyusi: Ang Taong May Kapansanan ay May Karapatan at Kakayahan” initiative, 300 PWDs ang bibigyan ng trabaho ng lokal na pamahalaan na ilalagay sa iba’t ibang departamento at tanggapan.

“Batid ng lokal na pamahalaan ang hirap na dinaranas ng mga kapatid nating may kapansanan lalo na sa paghahanap ng permanente at disenteng trabaho. Kaya sa pamamagitan ng programang ito, titiyakin natin na mas maraming magbukas na oportunidad para sa kanila na nakaayon din sa kanilang galing at talento,” ayon kay Mayor Joy Belmonte.

Lumalabas sa datos ng QC Person with Disability Affairs Office (PDAO) ma 14% o 7620 ng 54,000 na rehitrado na Person with Disablities na may edad na 18 hanggang 59 ang walang trabaho nitong Hulyo 2023.

 Ang pamahalaang lungsod sa kasalukuyan ay mayroong 253 kontraktwal, job order at permanenteng empleyado na kabilang sa sektor ng PWD, na kumakatawan sa 1.2 porsiyento ng kabuuang manggagawa nito na 17,000. Sa ilalim ng Republic Act No. 10524 o ang Act Expanding the Positions Reserved for Persons with Disability, hindi bababa sa isang porsyento ng lahat ng posisyon sa lahat ng ahensya ng gobyerno, opisina, o korporasyon ang dapat ilaan para sa mga PWD.

“Ang QC Government ang mangunguna at magsisilbing halimbawa sa iba pang government agencies at maging sa pribadong sektor sa pagbibigay ng trabaho sa mga PWD. Hindi hadlang ang kanilang kapansanan para maging produktibong mamamayan. Kailangan lang nila ng break o pagkakataon para mapatunayan ang kaya nilang gawin,” dagdag ni Belmonte.

Upang simulan ang programang Kasama Ka, kumuha ang pamahalaang lungsod ng kabuuang 100 PWDs. Sumailalim sila sa interbiew at job assessment ng PDAO at Public Employment Service Office (PESO).

Pagkatapos ng evaluation, ang mga aplikante ay itatalaga sa mga departamento ng lungsod batay sa kanilang mga kakayahan at kasanayan.

Ayon kay Mayor Belmonte, ang mga PWD na mahusay ang pagganap  sa trabaho ay mabibigyan ng pagkakataon na maging contract of service o permanenteng empleyado ng QCG.

Bukod sa trabaho, namamahagi din ang pamahalaang lungsod ng mga kagamitang pantulong tulad ng hearing aid, salamin sa mata, tungkod, wheelchair, at walker. Ang mga PWD ay binibigyan din ng social welfare assistance, livelihood training, at urban farming starter kits.


Nag-organisa rin ang QC Business Permits and Licensing Department (BPLD) ng Inclusivity Summit upang hikayatin ang pribado sektor na bigyan ng trabaho ang mas maraming may kapansanan sa kanilang workforce.

Ilang pribadong establisyimento sa lungsod ang kumukuha na ng mga PWD bilang trabahador tulad ng HisBeans Café, Cabalen Group, Shakeys, Pancake House, Overdoughs, Concentrix, at SM Malls. Nakipag-ugnayan na sa lungsod ang ibang kumpanya at establisyimento para maging bahagi ng programang ito. “Patuloy na bumubuo ng iba-ibang programa ang pamahalaang lungsod, sa pangunguna ng PDAO, para masigurong walang naiiwan, at kasama ang lahat sa pag-unlad sa QC,” ayon kay QC PDAO OIC Deborah Dacanay.