November 21, 2024

MAS MARAMING PINOY PABOR SA CELLPHONE BAN SA PAARALAN – GATCHALIAN

Halos 8 sa 10 mga Pilipino ang sumasang-ayon sa pagbabawal sa paggamit ng cellphone sa mga paaralan.

Ito ang lumabas sa isang Pulse Asia survey na kinomisyon ni Senador Win Gatchalian. Batay sa survey na isinagawa noong Hunyo 17-24, 2024, 76% ng mga 1,200 adult respondents sa buong bansa ang sumasang-ayon sa pagkakaroon ng cellphone ban sa mga paaralan. Labintatlong porsyento ang hindi sumasang-ayong, samantalang 11% naman ang nagsasabing hindi nila matukoy kung sumasang-ayon sila o hindi.

Suportado ang panukala ng mayorya ng mga Pilipino anumang socioeconomic class ang pinagmulan nila. Pinakamalakas ang suporta sa Class ABC (80%), kasunod ng Class D (76%), at Class E (71%).

Kung susuriin naman ang iba’t ibang lokasyon sa bansa, lumalabas na suportado pa rin ng mayorya ng mga Pilipino ang panukalang ipagbawal ang paggamit ng cellphones sa mga paaralan. Lumalabas na halos 8 sa 10 kalahok sa National Capital Region (80%), Balance Luzon (79%), at Mindanao (81%) ang sumasang-ayon sa naturang panukala. Samantala, 6 sa 10 (61%) na kalahok naman mula sa Visayas ang sumasang-ayon dito.

Para kay Gatchalian, ipinapakita ng survey na nakikita ng mga Pilipino ang maaaring maging benepisyo sa pagbabawal ng paggamit ng mga cellphone sa paaralan, lalo na’t nakakaapekto sa performance ng mga mag-aaral ang abalang dulot ng mobile phones. Batay sa pagsusuring ginawa ng Senate Committee on Basic Education sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 8 sa 10 mag-aaral na may edad 15 ang iniulat na naabala sila sa klase dahil sa paggamit nila ng smartphones, at 8 rin sa 10 ang nag-ulat na naabala sila sa paggamit ng ibang mga mag-aaral ng kanilang mga smartphone.

Noong nakaraang Hunyo, inihain ni Gatchalian ang Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 2706) na layong ipagbawal ang paggamit ng mga mobile devices at electronic gadgets mula Kindergarten hanggang senior high school sa loob ng mga paaralan habang may klase.

“Malinaw na suportado ng ating mga kababayan ang ating panukala na ipagbawal ang paggamit ng mga cellphones sa mga paaralan, lalo’t na’t ang paggamit nito sa oras ng klase ay maaaring makapinsala sa kanilang pag-aaral. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang panukalang batas na magbabawal sa paggamit ng cellphone sa oras ng klase,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.