
MANILA, Philippines — Mahigit kalahati ng mga Pilipino ang tumututol sa pag-aresto at pagsuko ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey na isinagawa mula Mayo 6 hanggang 9.
Batay sa resulta, 58% ng mga respondent ang hindi sang-ayon sa pag-aresto kay Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya sa ICC. Samantala, 26% ang sang-ayon sa kanyang pagsuko, habang 16% ang hindi makapagdesisyon.
Pinakamataas ang tutol sa Mindanao — ang balwarte ng dating pangulo — na umabot sa 96%. Sinundan ito ng Visayas (60%), Balance Luzon (42%), at Metro Manila (38%).
Sa kabilang banda, pinakamataas ang pabor sa kanyang pag-aresto sa Metro Manila (43%), kasunod ang Balance Luzon (35%), Visayas (24%), at Mindanao (1%).
Lumitaw din sa survey na mas malaki ang pagtutol sa pag-aresto ni Duterte sa lahat ng antas ng socio-economic classes.
Nanatili ring mataas ang tiwala ng publiko kay Duterte — umabot sa 63% ang nagsabing nagtitiwala pa rin sila sa dating pangulo. Labing-pito porsyento (17%) ang walang tiwala, habang 20% ang undecided.
Sa kabaligtaran, ang kasalukuyang pangulo na si Ferdinand Marcos Jr. ay nakakuha lamang ng 32% trust rating, habang 42% ang nagsabing wala silang tiwala sa kanya. Ang natitirang 27% ay undecided.
Samantala, si Bise Presidente Sara Duterte ay nakakuha rin ng mataas na tiwala mula sa publiko: 50% trust rating, 25% distrust, at 25% undecided.
Ngunit sa hiwalay na survey ng WR-Numero na isinagawa mula Marso 31 hanggang Abril 7, 62% ng mga respondent ang nagsabing mahalagang humarap si Duterte sa paglilitis sa The Hague. Sa parehong survey, 52% ang nagsabing dapat managot si Duterte sa mga kasong kaugnay ng drug war.
Ang Pulse Asia survey ay may 1,200 respondents at ±3% margin of error, habang ang WR-Numero survey ay may 1,894 respondents at ±2% margin of error.
More Stories
KOREAN SCAMMER NA MAY P400-M KASONG FRAUD, NASUKOL NG BI
39 foreign workers sa Telco sa BGC, naaresto ng Bureau of Immigration
Tulak, tiklo sa Malabon drug bust