
Caloocan City — WALA SA TONO ang lakad ng isang 27-anyos na kelot matapos inguso ng isang Marites sa mga pulis habang may hawak na baril at tila nagmamanman sa kalye, kahapon ng madaling araw sa Brgy. 185, Caloocan City.
Ayon sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, pasado alas-1 ng madaling araw nang makatanggap ng sumbong ang mga tauhan ng Tala Police Sub-Station 14 mula sa isang residente tungkol sa isang lalaking nakasuot ng puting hoodie at pulang shorts na palakad-lakad sa Gumamela St., tila may masama umanong binabalak.
Agad na rumesponde ang mga pulis at naispatan ang suspek na hawak pa ang isang kalibre .38 na revolver. Nang malapitan ay tila nakaramdam ng peligro ang lalaki na agad inihagis ang baril sa bangketa, pero huli na ang lahat — nasukol na siya ng mga pulis!
Kinilala ang lalaki sa alyas “Tenga”, at nang mabigo itong magpakita ng anumang papeles kaugnay sa armas, tiklop agad siya at shoot sa kulungan!
Nakompiska mula sa kanya ang naturang baril na may lamang dalawang bala.
Sasampahan ngayon si “Tenga” ng kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code of the Philippines) sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Moral ng istorya?
Kung may ‘Marites’ sa kanto, bantay-sarado ang kilos mo, lalo na kung may bitbit kang bawal!
More Stories
Si Kap. Benson Conde, ang “Vico Sotto” ng Barangay San Andres
JOSHUA PACIO WINAKSI SI BROOKS SA BRUTAL NA PARAAN
10-TAONG GULANG NA BATA, PATAY SA TULI