November 6, 2024

MARIANO SASAMBOT NG GINTO SA ASIA- OCEANIA SAMBO C’SHIP

TANGAN ang malawak na karanasan sa larangan ng combat sports, asam ni 2008 Beijing Olympics silver medalist Marianne Mariano na makamit ang kauna-unahang gintong medalya sa 2024 Asia-Oceania Sambo Championships kontra sa mga solido at powerhouse Samboist ng rehiyon para sa nakatakdang sagupaan sa darating na weekend na gaganapin sa Forum de Macau Stadium.

Makukunsidrerang isa sa mga inaasahang national athlete na maaaring mag-uwi ng gintong medalya ang 35-anyos na Airforce Technical Sergeant na hinubog nang karanasan sapol ng magsimula itong sumabak sa combat sports nung 16-anyos pa lamang sa larangan ng Wushu Sanda, kung saan nagwagi ito ng dalawang gintong medalya sa Southeast Asian Games, gayundin ang mga medalya sa Asian at World Championships.

Hindi matatawaran ang ginawang preparasyon at pagsasanay ng Tuba, Benguet native at MAPE graduate mula sa University of San Jose Recoletos sa Cebu City, pagdating sa panibagong pampalakasan na Sambo, isang Russian combat sport, na pinaghalong Judo Wrestling, at mixed martial arts, na pursigidong hinubog ang kaalaman sa pampalakasan upang mas lalong pag-igihan ang paghahanda kontra sa mga bigating Samboist mula Mongolia, Uzbekistan at Kazakhstan, gayundin ang mahigitan ang dalawang tansong medalya sa magkasunod na taon nung 2022 at 2023.

“Sobrang focus ako ngayon. Sobrang inaral ko iyong sport na ito, not only having my knowledge when it comes sa striking, nagdagdag rin ako ng arsenal ko about wrestling, judo and jiujitsu. Wider na yung knowledge natin how to play the game at kung paano ang gagawin ko, so that I will have a solid game plan,” pahayag ni Mariano kahapon, na gagawing basehan rin ang paghahanda para sa darating na Asian Indoor Martial Arts Games sa darating na Nobyembre sa Bangkok, Thailand.

“Sabi nga ng aming President na si sir Paolo (Tancontian) na don’t aim for the diamond, aim for the gold kase may value ang gold,” dagdag ni Mariano na nais ring makapagkwalipika sa 2025 World Games, na maaaring makuha ngayong Asia-Oceania.

Tiwala naman si head coach Ace Larida sa kapasidad ni Mariano na mapagtagumpayan ang misyon ngayong edisyon lalo pa’t napag-aralan ng Pinay MMA fighter ang kakayanan ng kanyang mga makakatapat na mga fighters sa Journeih, Lebanon nung isang taon.

“Masyadong prepare si Marianne ngayon lalo na sa timbang niya, kase  last year nanalo siya, ngayon gusto naming sagarin na manalo siya hanggang sa championships for gold medal. Expected namin this year na mag-gold na siya, and ngayon kayang-kaya ng talunin,” saad ni Larida. “May mga throwings na siya at may defense sa take down, complte package na siya kaya mas malaki na ang chance niya ngayon.”

Kasama ring babalibag ni Mariano sina six-time World medalist at two-time Asian champion Sydney Sy-Tancontian, 2023 bronze medalists Robin Catalan at Aislinn Yap, 2019 SEAG titlist Chino Sy-Tancontian, at 2024 DSI Dutch Open at Paris Open champion Chino Sy-Tancontian, MMA fighters Jomary “The Zamboanginian Fighter” Torres, John Mcleary “Pirata” Ornido, Edemel Catalan, grappler Godwin Langbayan, Janry Pamor, Cresente Navares at Bandung Sambo Open double gold medalists Princess Cortez.