May 26, 2025

Marian Rivera at Chel Diokno damay sa confidential funds ni VP Sara?

Isang administration lawmaker ang nanawagan nitong Linggo na makipag-ugnayan sa Philippine Statistics Authority (PSA) at National Bureau of Investigation (NBI) upang beripikahin ang pagkatao ng mga taong nagngangalang “Marian Rivera” at “Chel Diokno” na diumano’y kabilang sa mga nakatanggap ng bahagi ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Adiong, mahalagang malaman kung ang mga pangalang ito, na kapareho ng isang sikat na aktres at isang kilalang human rights lawyer na incoming House member, ay totoong tao o peke lamang, lalo na ngayong papalapit na ang impeachment trial ni Duterte na nakatakdang magsimula sa huling bahagi ng Hulyo.

“In fact, ang mga ahensyang may kapasidad na mag-verify kung totoong umiiral ang isang Chel Diokno, bukod sa kilalang Chel Diokno na alam natin, ay ang PSA at NBI,” ani Adiong. “Mula pa sa simula, hiningi na namin ang tulong nila para malaman ng publiko kung totoong tao ang mga pangalan na ito.”

Ang mga pangalang “Marian Rivera” at “Chel Diokno” ay lumabas sa mga acknowledgment receipts na isinumite ng Department of Education (DepEd) sa Commission on Audit (CoA) bilang mga tumanggap ng confidential funds na inilalaan sa ahensya noong panahon na pinamumunuan ito ni Duterte.

Ayon sa ulat ni veteran broadcaster Arnold Clavio sa Instagram, nakatanggap diumano si “Marian Rivera” ng P100,000 mula sa mga pondo.

Habang kinilala ni Adiong na pamilyar ang pangalang Marian Rivera, sinabi niyang kakaiba naman ang pangalan ni Chel Diokno.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang incoming lawmaker na si Chel Diokno matapos madiskubre na ginamit ang kanyang pangalan bilang isa sa mga recipient ng confidential funds.

“Pati ba naman pangalan namin ni Ma’am Marian dinamay nila! Grabe ang kawalang-hiyaan!” sabi niya sa isang Facebook post.

Hindi ito ang unang pagkakataon na lumabas ang mga kahina-hinalang pangalan sa listahan ng mga tumanggap ng confidential funds ni Duterte. Naunang naitala ang mga pangalan tulad ng “Mary Grace Piattos,” “Jay Kamote,” “Miggy Mango,” at iba pa, na tinutukoy ng ilang mambabatas na peke o ginamit lang para payabungin ang pondo.

Walang rekord ang mga ito sa PSA na nagpapatunay na sila ay tunay na tao.

Na-impeach na ng House of Representatives si Duterte noong Pebrero 5 dahil sa mga paratang ng katiwalian, pagtanggap ng suhol, at paglabag sa Konstitusyon kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds habang siya ang DepEd secretary.

Matagal nang itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon at itinuro na maaaring peke ang mga acknowledgment receipts.

Nakabinbin na ang impeachment trial ni Duterte sa Senado na sisimulan pagkatapos magtapos ang 20th Congress sa Hulyo 28.

Kinakailangan ng dalawang-katlong boto ng mga senador para mapatalsik si Duterte at hindi na makapaghanap muli ng opisyal na posisyon, kabilang ang pagkapangulo.