June 13, 2025

Marcos sinisi ang mga nakaraang administrasyon sa pagkasira ng San Juanico Bridge

Sinisi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga nakaraang administrasyon sa pagkasira ng San Juanico Bridge dahil umano sa kakulangan ng regular na inspeksyon at maayos na maintenance.

Ito ang naging pahayag ng Pangulo matapos niyang personal na inspeksyunin ang 2.16-kilometrong tulay na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Leyte at Samar, na kasalukuyang bahagi lamang ang pinayagang madaanan ng mga sasakyan dahil sa mga isyu sa structural integrity.

Ayon kay Marcos, may inihandang plano ang pamahalaan para sa rehabilitasyon ng tulay, ngunit ikinagulat nila ang lawak ng kalawang at pinsala na nadiskubre sa ilalim nito.

“Maraming nagtatanong kung bakit hindi ito napaghandaan. Ang totoo, may plano naman para sa rehabilitasyon pero nang inspeksyunin ang tulay, napakaraming delikadong bahagi ang nakita. Agad sinabi ng mga engineer na kailangang isara ito upang maiwasan ang posibleng pagbagsak,” aniya.

Ipinakita rin ng Pangulo ang ilang bahagi ng tulay na halos kinain na ng kalawang, partikular sa ilalim ng istruktura, kung saan may mga bahagi nang bumibigay.

Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na delikado na para sa normal na paggamit ang San Juanico Bridge. Dagdag pa ni Marcos, dapat sana ay isinasagawa ang regular na inspeksyon tuwing ikatlong taon, subalit tila hindi ito naisagawa ng mga naunang administrasyon.

“Sa pakikipag-usap ko sa mga lokal, lumalabas na mukhang hindi naging consistent ang pagsunod sa three-year inspection schedule. Kaya ngayon, talagang sira na ito nang inabutan natin,” dagdag pa niya.

Bukod sa problema sa tulay, binigyang-diin din ng Pangulo ang epekto nito sa kabuhayan ng mga negosyante at truck drivers na naghahatid ng mga produkto, partikular ang mga gulay, gamit ang roll-on/roll-off vessels. Aniya, dahil sa pagkaantala, nasisira ang mga produktong hindi naka-refrigerate.

Bilang tugon, tiniyak ni Marcos na magdadagdag ng mga ro-ro vessel na kayang magsakay ng hanggang 50 truck kada biyahe, na layong makapaglipat ng hanggang 500 truck bawat araw. Pinaplano rin ang pagsisimula ng night navigation upang matuloy ang tawiran kahit sa gabi.

“Naaapektuhan ang komersyo sa Tacloban at mga karatig na lugar, kaya minamadali natin ang pag-ayos. Hinihintay na lang natin ang eksaktong schedule mula sa DPWH,” aniya.

Samantala, sinabi naman ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na inaasahang madaragdagan ang load limit ng tulay habang isinasagawa ang rehabilitasyon.

Kasabay nito, binanggit ni Marcos na isang bagong tulay rin ang nakatakdang itayo upang tuluyang palitan ang San Juanico Bridge. Ititigil naman ang umiiral na state of calamity sa Eastern Visayas oras na bumalik sa normal ang daloy ng trapiko sa tulay.