
Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang mga Cabinet secretaries na tiyakin ang pagkakaroon ng maayos na pasilidad sa lahat ng paaralan sa bansa, kabilang ang kuryente, tubig, internet, health facilities, at kampanya laban sa bullying.
Sa kanyang pagbisita sa Epifanio Delos Santos Elementary School sa Malate, Maynila ngayong pagbubukas ng klase, ipinunto ni Marcos na hindi dapat iniinda ng mga estudyante ang mga problema sa pasilidad upang makapag-aral nang maayos.
“Yung kuryente, or making sure na may kuryente lahat, dahil may tubig lahat,” ani Marcos habang kinukwestyon ang kakulangan ng mga pangunahing serbisyo sa ilang paaralan sa kaniyang mga naunang inspeksyon.
Inutusan ng Pangulo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawakin ang internet access sa mga paaralan, lalo’t 60 porsyento pa lamang ang may koneksyon sa ngayon.
Kasabay nito, inatasan din ang Department of Health (DOH) na tiyaking may health facilities sa mga paaralan sakaling may magkasakit o maaksidente na estudyante.
Binilinan din ni Marcos ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palakasin ang kampanya kontra bullying, lalo na ang cyberbullying, na aniya’y may matinding epekto sa mental health ng kabataan.
“Hindi sila makapag-aral nang mabuti kapag may bullying. Mental health issue ito,” ani Marcos.
Kasama rin sa mga direktiba ng Pangulo sa Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bilisan ang pagkukumpuni sa mga sirang silid-aralan, comfort rooms, at handwashing stations, pati na ang pagpapatayo ng mga bagong paaralan lalo na sa mga liblib na lugar at conflict areas.
Upang mapagaan ang gastusin ng mga magulang, pinayuhan ni Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) na siguruhing abot-kaya ang presyo ng mga school supplies. Samantalang pinaalalahanan naman ang Department of Transportation (DOTr) na ipatupad nang maayos ang student fare discounts sa LRT, MRT, at iba pang pampublikong sasakyan.
Inanunsyo rin ng Pangulo na nasa 16,000 na guro na ang na-hire mula sa target na 20,000 bilang hakbang upang maibsan ang administrative workload ng mga guro.
“Lahat ng mga teacher, naging teacher kayo para magturo. Kung may kailangan pa kayong iparating, sabihin niyo sa DepEd o LGU para malaman namin,” panawagan pa ni Marcos.
Ang pagbubukas ng klase ngayong taon ay hudyat ng pagbabalik sa tradisyunal na June-to-March school calendar matapos ang pansamantalang pagbabago noong pandemya. Nakatakdang magtapos ang kasalukuyang School Year 2025–2026 sa Marso 31, 2026, kung saan inaasahan ng DepEd ang humigit-kumulang 27 milyong mag-aaral mula pre-school hanggang senior high school.
More Stories
EJ Obiena muling nabigo sa podium matapos ang ika-7 pwesto sa Diamond League sa Sweden
Konektadong Pinoy Act, magpapabilis at magpapamura sa bayad sa internet sa bansa
E-Gov. Act, magpapabilis sa proseso sa pamahalaan