February 15, 2025

MARCOS PINUNA SI DUTERTE: ‘ANG SOLUSYON NILA SA LAHAT NG PROBLEMA AY PUMATAY PA NG PILIPINO’

Sinita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kontrobersiyal na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagpatay sa 15 incumbent senators.

“Alam niyo po, eh kung minsan nakikita natin ‘yung ibang partido—hindi sila… hindi sila… nagugulat sila, natatakot yata sila sa inyo, eh. Dahil pagka nakita ang lineup ng Alyansa, eh kung anu-ano na ang sinasabi, eh,” pahayag ni Marcos sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas rally sa Carmen, Davao del Norte.

“Eh narinig lang natin nung isang araw, wala daw pag-asa — siguro, wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 senador. Ay talagang… Sabagay. Mahirap naman ‘yung ibang tao, ang iniisip lang nila—ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema ay pumatay pa ng Pilipino. Nakapapagtaka kung bakit ganun.”

Matatandaan na sinabi ni Duterte na kailangan patayin ang ilang senador upang mabakante ang ilang puwesto nang sa ganun ay makapasok ang kanyang mga pambato.

“Ngayon, marami kasi sila. Ano ang dapat gawin natin? ‘Di patayin natin ‘yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo-tayo ng mga 15 na senador, eh pasok na tayo lahat.” “Pero kawawa naman. Pero nakakainis kasi ‘yang—hindi naman lahat—pero talking of opportunities, the only way to do it is to pasabugin na lang natin ‘yang ano,” dagdag pa na ng dating Pangulo.

Larawan mula sa BBC