
Itinanggi ng Malacañang ang mga kumakalat na pahayag online na si dating Pangulong Rodrigo Duterte umano ang nagbalik ng dignidad ng pamilya Marcos, at iginiit na ang taumbayan ang siyang nagluklok kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kapangyarihan.
“The one who brought back President Marcos was the people, not a single person,” pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang nitong Sabado. Dagdag pa niya, “Pinakita po ni Pangulong Marcos kung ano ang kakayanan niya.”
Ipinaalala rin ni Castro sa publiko ang mga naunang pahayag ni Duterte laban kay Marcos Jr. “Kung inyo pong matatandaan, hindi po bayan. Mismo ang dating Pangulong Duterte ang hindi naniniwala kay Pangulong Marcos. He even said that PBBM is a weak leader,” aniya.
Nang tanungin tungkol sa mga post sa social media na nagsasabing si Duterte raw ang nagbigay ng “dignidad” sa pamilya Marcos upang makabalik sa pamahalaan, at kapalit nito ay “gave him a death sentence in a foreign land,” tumanggi si Castro na palalimin ang isyu.
“Hinahayaan lang po natin na umandar ang batas at ang hostisya,” ani Castro.
Tungkol naman sa mga ulat na hinigpitan umano ng mga awtoridad sa Netherlands ang mga tagasuporta ni Duterte, nilinaw ni Castro na ito ay wala sa hurisdiksyon ng Pilipinas.
“Kung meron man pong paghihigpit… ito po ay pinapatupad lamang po siguro ng bansang The Netherlands ang kanilang batas doon,” aniya.
Nang tanungin tungkol sa panawagan ng ilang grupo sa Davao na magbitiw sa puwesto si Pangulong Marcos, nagtanong si Castro kung sino ang makikinabang sa ganitong hakbang.
“Kung pinag-resign po nila ang Pangulo, sino po ba ang makikinabang?” tanong niya. Binanggit din niya na kahit pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte na siya ang nagsimula ng chant, “siya pa rin po ang makikinabang.”
Ipinagtanggol ni Castro ang administrasyong Marcos sa pamamagitan ng pagsasabing bukas at malinaw ang operasyon nito.
“Hindi po mas kakayanin ang isang tao na mamuno na maraming inililihim… more particularly about the funds,” sabi niya nang hindi pinangalanan kung sino ang tinutukoy.
Samantala, nang tanungin hinggil sa pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na tila ang mga awtoridad daw ay “acting like saints” habang sinisilip ang legalidad ng posibleng pagkakaaresto sa kanya, tumugon si Castro nang may kaunting biro ngunit may diin:
“We are not saints. Lahat tayo hindi santo,” aniya, ngunit idiniin na, “pinapatupad lamang po natin ang batas.”
Giit ni Castro, lehitimo ang warrant of arrest laban kay Duterte, bagay na tinanggap din umano ni Dela Rosa. Binigyang-babala niya ang publiko sa pag-uugali ng ilang opisyal na tila umiiwas sa batas.
“Hindi magandang maging modelo ang katulad ni Senator Bato… kapag may warrant of arrest, ay kailangan ng magtago na lamang,” wika ni Castro.
More Stories
HOUSE PROSECUTORS HINILING SA SENADO NA MAGLABAS NG WRIT OF SUMMONS VS SARA DUTERTE
REGISTERED OWNER AT DRIVER NG DUMP TRUCK NA SANGKOT SA AKSIDENTE SA EDSA BUS CAROUSEL SA QC IPINATATAWAG NG LTO
MAYOR BASTE, GRINGO HONASAN MAGHAHAIN NG PETISYON SA ICC PARA MAIBALIK SI FPRRD SA ‘PINAS